Kamara kinilala 10 Outstanding Filipino awardees ng Metrobank Foundation
SA pangunguna ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, binigyang pagpupugay ng Kamara de Representantes ang mga awardee ng 2024 Metrobank Foundation Outstanding Filipinos, na nakapagbigay ng natatanging kontribusyon sa kani-kanilang larangan.
“In deep appreciation of their commitment and remarkable distinctions as outstanding public servants, it is but fitting and proper for the House of Representatives to honor and commend the 2024 Metrobank Foundation Outstanding Filipinos for making a noteworthy difference in the lives of many Filipinos,” ayon sa House Resolution No. 1962 na pinagtibay ng Kamara noong nakaraang Miyerkules, Agosto 28.
Sa kanyang mensahe sa mga awardee noong Lunes ng hapon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, pinasalamatan ni Speaker Romualdez ang mga nagwagi sa kanilang walang pag-iimbot na paglilingkod, pagsisikap, at mga ambag sa lipunan. Itinataas umano ng mga ito ang pamantayan sa paglilingkot sa bayan.
“Your actions remind us that true service is about making a difference, regardless of recognition or reward. You show us what it means to serve with purpose and dedication, qualities we in government must always embody,” ayon sa pinuno ng Kamara na may higit sa 300-kinatawan.
“May your examples inspire not just us here today, but all public servants across the country. Together, let us continue to work toward building a nation that values hard work, compassion, and selfless service,” saad pa nito.
Pinuri rin ni Speaker Romualdez ang Metrobank Foundation para sa kanilang patuloy na pagsuporta at pagkilala sa mga indibidwal na nagtataglay ng kahusayan at nagbibigay ng natatanging serbisyo sa kanilang mga larangan. Sinabi nito na sa kabila ng mga kinakaharap na hamon, pinili ng Metrobank na bigyang-diin ang kahusayan at dedikasyon ng mga Filipino na nagpapataas ng dangal ng ating bansa.
Sa temang “Beyond Excellence,” kinilala ang 10 natatanging Pilipinong lingkod-bayan dahil sa kanilang ipinakitang positibong pagtugon sa mga umiiral at bagong tungkulin, matatag na pamumuno, at may integridad. Ang kanilang mga nagawa ay nagbigay ng mahalagang epekto sa mga komunidad na kanilang pinagsisilbihan.
Binanggit ng HR 1962 na ang mga pinarangalang guro ngayong taon ay nagpakita ng husay sa pagtuturo, nagpakilala ng mga makabagong pamamaraan sa edukasyon, at pinalakas ang epekto ng kanilang pananaliksik at serbisyo sa komunidad.
Sa kabilang banda, binanggit ng resolusyon na ang mga sundalo at pulis na pinarangalan ay kinilala dahil sa kanilang matatag na pamumuno, tapang, at disiplina, na nagresulta sa mahalagang ambag sa seguridad ng bansa, mga makataong pagtulong, at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Kasama sa mga pinarangalan ang apat na guro, tatlong sundalo, at tatlong pulis.
Ang mga guro na pinarangalan ay sina Ma. Ella F. Fabella (Master Teacher II, Maasin Learning Center, Zamboanga City), Franco Rino C. Apoyon (Head Teacher II, Kabasalan National High School, Kabasalan, Zamboanga Sibugay), Decibel V. Faustino-Eslava, Ph.D. (Professor 9, University of the Philippines, Los Baños, Laguna), at Maria Regina M. Hechanova-Alampay, Ph.D. (Professor, Ateneo de Manila University, Quezon City).
Ang mga sundalong pinarangalan ay sina Captain Salvador M. Sambalilo PN (GSC) (Assistant Chief of Fleet Staff, Fleet Staff for Weapons, Communications, Electronics, and Information System, Philippine Navy Subic, Zambales), Major Ron JR T. Villarosa (INF) PA (Chief of the Civil Affairs Division, Civil-Military Operations Research Center, Civil Military Operations Regiment Philippine Army, Taguig City), at Staff Sergeant Michael S. Rayanon PN(M) (Public Affairs Non-Commissioned Officer, Marine Battalion Landing Team 3, Philippine Navy San Vicente, Palawan).
Habang ang mga kinilalang pulis ay sina Police Lieutenant Colonel Bryan G. Bernardino (Chief of Police, Tacurong City Police Station, Sultan Kudarat Police Provincial Office), Police Major Mark Ronan B. Balmaceda (Deputy Force Commander, Regional Mobile Force Battalion, Taguig City), at Police Staff Sergeant Llena Sol-Josefa M. Jovita (Monitoring and Evaluation Police Non-Commissioned Officer, City Police Strategy Management Unit, Cagayan de Oro City Police).
Mula noong 1985, ay umabot na sa 715 na natatanging lingkod-bayan ang binigyang pagkilala ng Metrobank Foundation, na binubuo ng 384 guro, 172 sundalo, at 159 pulis.