Allan

Kamalayang seksuwal

January 20, 2025 Allan L. Encarnacion 181 views

NASA elementarya pa ako nang una kong marinig ang sex education. Nagkaroon din ng ganitong mga diskusyon noong kami’y nasa sekondarya hanggang sa magkolehiyo.

Sa tuwing mapag-uusapan ang ganitong topic sa classroom, wala akong matandaang seryosong talakayan dahil mas lamang ang tawanan at bulungan.

Wala rin akong matandaan na pinag-usapan ito sa loob ng aming tahanan noong aking kamusmusan.

Ang seksuwal na kamalayan ay kusang tumutubo sa isang nilalang, tao man yan o hayup. Wala naman tayong narinig na tinuruan ang mga aso, pusa, manok ar butiki kung paano ang tamang pakikipagtalik.

Sa subject namin sa Humanities sa kolehiyo, sinabi ng aming propesor na tayong mga tao ay maituturing na “brute” o mga “highest thinking animals.”

Ang kaibahan natin sa hayup, nakakaunawa tayo ng lahat ng usapin sa mundo. Ang sex, kahit walang edukasyon ay ating natutunan tulad din ng mga hayup. Pero ang naghihiwalay sa atin sa hayup ay ang pagkakaroon ng responsibilidad—pagkatapos magkaroon ng bunga ang pakikipagtalik.

Nagisnan natin ang ating bansa na konserbatibo. Malayo ito sa mga kanluraning bansa na liberal kapag seksuwalidad ang pinag-uusapan. Kaya nga sa kanila, karaniwan na ang pagbitbit ng condom ng mga teenager dahil mas madali sa kanila ang magkaroon ng sexual encounter kahit sa murang edad.

Ako, aaminin ko, nakipagtalik ako nang ako’y makapag-asawa na sa edad na 23. May mga kamuntikanan na noong mas bata pa subalit palaging nauuna sa akin ang takot na baka makabuntis.

Alam ko na kasi ang susunod kapag nabuntis, may lalabas na bata at ikaw na nakabuntis ang bahala sa lahat ng pangangailangan ng mag-ina. Wala namang nagturo sa akin at hindi ko rin naman natatandaang seryosong sex education ang aking mga dinaanan sa classroom.

Dahil siguro nakapag-aral ako at maaga akong namulat sa mga resposibilidad sa bahay kaya palaging nauuna sa mataas na kaisipan ang pag-iingat na makabuntis nang mas maaga.

Sa tingin ko, edukasyon in general ang susi sa lahat, hindi sex education. Mas magandang magpokus ang estado sa pagpapalakas ng edukasyon dahil doon pumapasok ang pagiging responsable ng isang tao.

Kung aaralin nating mabuti, ang mga nabalitaan nating early age pregnancy ng mga 12 hanggang 17 years old, majority sa kanila ay hindi naman nag-aaral. Iyon bang silang magkakapitbahay na nagkakagustuhan ay nasa komunidad ng mga mas pinili ang “tumambay” or magtrabaho sa murang edad.

Kung itutulak natin sa edukasyon ang lahat ng kabataan, hindi natin kailangang pag-awayan pa kung kailan dapat ituro sa kanila ang tamang pakikipagtalik.

[email protected]