‘Kamag-anak killer’ nasakote
NASAKOTE ng pulisya ang suspek na pumatay umano sa kanyang kamag-anak na kasama niya sa inuupahang bahay sa Quezon City.
Ayon sa pahayag ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa pamumuno ni Officer-in-Charge PMAJ Rene Balmaceda, kinilala ang suspek na si Roger Galvez, 41, nakatira sa Brgy. Roxas District, Quezon City.
Lumalabas sa imbestigasyon na natagpuan ng kanyang mga boardmates ang biktima na kinilalang si Anthone Babiera, 24, na nakahandusay sa sahig, duguan, tadtad ng saksak, at wala ng buhay dakong 6 a.m. noong Abril 3, 2022. Agad itong ipinagbigay-alam sa kanyang kapatid na agad namang iniulat sa himpilan ng Kamuning Police Station (PS 10) at CIDU.
Agad na nagtungo ang mga tauhan ng CIDU sa pinangyarihan ng krimen upang magsagawa ng masusing imbestigasyon na kung saan ay isang saksi ang nagpresenta at ipinagbigay alam ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek na siyang sumaksak at pumatay sa biktima.
Daglian namang ikinasa ang follow-up operation laban sa suspek sa ganap na ika-11:00 ng umaga sa parehong araw sa kahabaan ng Aguinaldo Hwy., Brgy. San Letran 1, Dasmariñas, Cavite, na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek na positibong kinilala ng saksi na umano’y sumaksak sa biktima.
Mahaharap ang suspek sa kasong Murder sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code.
“Nakakalungkot na sa mga nagdaang araw ay may mga insidenteng sangkot ang mismong kamag-anak ng mga biktima sa mga karumal-dumal na krimen. Dahil dito ay lalo pa nating paiigtingin ang seguridad para sa komunidad upang hindi na maulit pa ang ganitong pangyayari,” ang pahayag ni PBGEN Remus Medina.