KALINISAN ng DILG, MMDA dinala sa Malabon
ISINAGAWA ang Kalinga At Inisyatiba Para sa Malinis na Bayan” (KALINISAN) ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong Sabado sa Malabon City.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, nakatuon ang programa sa paglilinis kaya’t hinihikayat niya ang bawa’t komunidad na makiisa sa programa.
Malaking perwisyo ang baha at basura kaya mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang nagnanais na ituro sa mamamayan ang wastong pagtatapon ng basura.
Hinimok din ni Abalos ang bawa’t komunidad na makipagtulungan sa pamahalaan na panatilihin ang malinis na kapaligiran at magkaroon ng tamang disiplina sa pagtatapon ng basura.
Sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes na prayoridad ng pamahaaan at mga ahensiyang namamahala na bilisan ang pagkukumpuni sa nasirang Malabon-Navotas navigational gate.
Nilinaw ni Artes na hindi lang sa Malabon ginagawa ang paglilinis kundi sabay-sabay itong isinasakatuparan sa iba pang parte ng Metro Manila.
Mula Hulyo 24 hanggang sa katapusan lamang ng buwan, umabot na sa 870 toneladang basura ang nahakot.
Labis ang pasasalamat ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval sa DILG, MMDA at mga lumahok sa paglulunsad ng KALINISAN.
Bukod sa paglilinis, kabilang sa mga aktibidad na isinagawa sa Malabon ang pag-aalis ng mga bara sa mga daluyan ng tubig, pagputol sa mga sagabal na sanga ng mga punong-kahoy, paghahakot ng basura at pag-aalis sa mga lugar na pinamamahayan ng lamok.