Default Thumbnail

Kalinga sa Maynila, isinagawa sa Paco covered court

January 25, 2023 Edd Reyes 380 views

MULING inilapit nina Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa mga residente ng ikalimang distrito sa kanilang “Kalinga sa Maynila” na isinagawa Miyerkules ng umaga sa Canonigo Covered Court, Paco.

Isa-isang tinugunan ni Mayor Honey Lacuna-Pangan at mga pinuno ng iba’t-ibang departamento ng pamahalaang lungsod, maging ni 5th District Congressman Irwin Tieng na dumalo rin sa unang “Kalinga sa Maynila” ngayong taon ang mga katanungan, kahilingan, at suliranin ng mga residente na nais nilang ilapit sa mga kinauukulan.

“Ito po ang aming paraan para maibaba namin ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila dito sa inyong lugar. Kadalasan, kayo po ang nagpupunta sa city hall kahit po sa mga pangangailangan ninyo, concern niyo, mga request niyo, at kadalasan din po, umuuwi kayong bigo at luhaan lalo na po ang ating mga senior citizens, kaya kami na po ang lumalapit sa inyo para personal naming marinig ang inyong mga pangangailangan,” paunang pahayag ng alkalde.

Karamihan naman sa mga naging katanungan at hinaing ng mga opisyal ng barangay ay ang mga nagkalat na palaboy sa malaking bahagi ng distrito, pagkawala sa listahan ng mga kuwalipikadong senior citizen para makatanggap ng buwanang allowance, mga madidilim na lugar na madalas pangyarihan ng krimen, ilegal na pagparada ng mga motorsiklo sa bangketa, pagsakop ng mga tricycle sa lansangan, mga malalaking lubak sa lansangan at maging ng kakulangan ng traffic enforcers at street sweepers.

Isa sa mga Punong Barangay na unang nagpahatid ng problema sa napakaraming “palaboy” o “street dwellers” sa lansangan si Chairwoman Estela Rebenito ng Bgy. 676 na aniya ay pabalik-balik na lamang sa kabila ng ginagawang pagsagip sa kanila ng mga tauhan ng Manila Social Welfare Department (MSWD), katuwang ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD).

Paliwanag ni MSWD Director Asuncion “Re” Fugoso, 24-oras na nag-ikot sa buong Maynila ang kanilang mga tauhan upang sagipin ang mga palaboy sa lansangan at sa katunayan aniya, mahigit isang taon nilang ginamit bilang temporary shelter ng mga street dwellers ang Canonigo Covered Court.

Nangako si Fugoso na paiigtingin pa nila ang pagsagip sa mga palaboy, lalo na sa District 5, na itinuturing na pinakamaraming mga street dwellers dahil dito may pinakamaraming lugar na dinarayo, tinutuluyan, at pinupuntahan ng mga dayuhang turista.

Ayon naman kay Mayor Lacuna-Pangan, isa sa kanyang mga itataguyod na proyekto ay ang pagtatayo ng “half-way house” kung saan puwedeng patuluyin pansamantala para matulog sa gabi at maligo ang mga palaboy.

“Hindi po ito ang kanilang magiging permanenteng tirahan kundi magsisilbi lang bilang puwede nilang tulugan sa gabi at maligo bago sila magtungo kung saan man sila pupunta sa umaga, sa trabaho man o kung saan. Sa gabi kasi sila natutulog sa mga lansangan dito sa inyong distrito kaya dito ko planong itayo rin ang half-way house,” pahayag ng alkalde.

Sa tanong naman ni Chairwoman Elma Ragonton ng Bgy. 677 kung bakit nawala sa listahan ang mga kuwalipikadong senior citizen na tatanggap ng buwanang allowance at sa halip ay ang mga hindi na rehistratong matatanda at ilang mga namayapa ang naibalik sa talaan, tiniyak ni Acting Director of the Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA) Elinor Jacinto na inaayos na nila ang listahan at tiniyak niyang matatanggap pa rin ng mga kuwalipikado ang hindi naibigay na allowance sa kanila para sa buwan ng Setyembre hanggang Disyembre ng taong 2022.

Sabi niya magkakaroon ng “re-orientation” seminar hinggil sa pagsasaayos muli at pagrerebisa sa masterlist ng barangay at naka-schedule ito para sa mga Punong Barangay ng District 5 sa Enero 31, 2023 sa buong araw ng Martes.

Nagpadala aniya sila ng mga kalatas sa bawat barangay para sa schedule at lugar na pagdarausan ng re-orientation seminar upang magkatuwang na nilang linisin, ayusin at rebisahin ang masterlists ng mga kwalipikadong senior citizens.

Tiniyak naman nina City Engineer Armando Andres at City Electrician Engr. Randy Sadac na tutugunan nila ang pag-aaspalto ng mga lubak na lansangan at paglalagay ng ilaw sa mga madidilim na lansangan.

AUTHOR PROFILE