
Kaligtasan ng mga Pinoy sa Taiwan siniguro
SA gitna ng umiiral na tensyon sa pagitan ng Taiwan at China, tiniyak ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) na ligtas ang may 150,000 Fililipo na nasa Taiwan.
Inaasahan kasi na lalo pang titindi ang tensyon sa bansa dahil sa papalapit na presidential elections sa January.
Sinabi ni MECO chairman at resident representative Silvestre Bello na nakausap na niya ang mga awtoridad sa Taiwan at tiniyak ng mga ito na ligtas at mapayapa ang kanilang bansa.
Sa sandaling magkaroon man aniya ng pag-atake ay maaaring magtungo ang mga Pinoy sa mga ‘shelters’ na inilaan ng Taiwan.
“Filipinos are entitled to get inside these shelters at any given time,” pahayag ni Bello.
Sinabi ni Bello na personal niyang nakita ang mga lugar kung saan maaring magtago ang mga Pinoy sa sandaling lumala pa ang tensyon.
Paliwanag ni Bello, ang paglalaan ng mga shelters para sa mga Pinoy ay paraan aniya ng Taiwan upang ipakita na handa sila sa anomang posibleng kaganapan.
“This is to convince us that they are prepared for any eventuality. They are also concerned about the safety of our countrymen who are working here,” dagdag ni Bello.