Kalakalan, agri, turismo ng Pilipinas at Hawaii, palalakasin ni PBBM
TINIYAK ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang buong suporta ng Pilipinas sa Hawaii.
Pahayag ito ni Pangulong Marcos sa courtesy call sa Malakanyang ng Filipino Chamber of Commerce of Hawaii at Honolulu City Council Trade Mission.
Suportado ni Pangulong Marcos ang ginagawa ng grupo sa paghanap pa ng mga paraan para mas mapalalim ang economic ties ng Hawaii at Pilipinas.
Naniniwala si Pangulong Marcos na malaki pa ang potensyal ng kooperasyon sa iba’t ibang larangan lalo’t malaki ang pagkaka-pareho at magkatulad ang pangangailangan ng ilang lugar sa Pilipinas at ng Hawaii na tahanan rin sa maraming Pilipino.
Ayon kay Pangulong Marcos, bukod sa kalakalan ay maaaring palakasin ang ugnayan sa sektor ng agrikultura at turismo.
Ito anya ang dahilan kaya puspusan sa pagkayod ang pamahalaan para mapadali ang pamumuhunan sa bansa.
Sa nakaraang pagbisita sa Hawaii, inimbitahan ni Pangulong Marcos ang mga Filipino roon na magbakasyon sa Pilipinas at magsama ng mga kaibigan para maipasyal sa magagandang lugar dito.
Muli namang nagpasalamat si Pangulong Marcos sa mga taga-Hawaii sa pagkupkop sa kanilang pamilya noon.