Philhealth

Kalahati ng medical bill sasagutin na ng PhilHealth

February 14, 2024 People's Tonight 254 views

SASAGUTIN na ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang kalahati ng hospitalization payment o billing ng mga miyembro nito at libre na ang diagnostic exam matapos na imungkahi ito ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa kanila kamakailan.

Sa hearing ng Committee on Health, nabatid na pumayag ang mga opisyales ng PhilHealth sa naturang hiling ni Romualdez.

Pag-aaralan na umano ng board ng PhilHealth ang mechanics ng bagong programa at kung kailan ito uumpisahan.

“Umaasa ako na gagawin nila ito sa lalong madaling panahon dahil matagal na itong hiling ng mga kababayan natin,” ayon naman kay Speaker Romualdez .

Ayon kay PhilHealth CEO Emmanuel Ledesma, Jr., todo-suporta sila sa hiling ni Speaker Romualdez na pagbutihin ang serbisyo at dagdagan ang mga benepisyo para sa mga pasyente.

“Ayon sa plano ni Speaker Martin Romualdez, gusto rin ng PhilHealth na palawakin ng husto ang aming mga serbisyo. Matapos ang ilang taong di pagbabago, masaya kaming sabihin na malalaki na ang nadagdag sa mga benepisyo,” ani Ledesma.

Sinabi rin niya na susuporta sila sa kampanya ni Speaker na mabawasan ang gastos ng mga Pilipino sa pagpapa-ospital kaya’t sasagutin nila ang 50 porsyento na hospital bill sa mga napupunta sa mga private wards.

Karamihan kasi ng mga Pilipino ay napipilitang kumuha ng private wards kahit kapos sa pambayad dahil sa palaging puno ang mga kuwarto sa mga pampublikong ospital.

Ayon kay Ledesma, payag din umano silang akuin ng PhilHealth ang pagbayad sa mga early detection at diagnostic exams ng mga Pilipino taun-taon tulad ng x-ray, mammogram, at HPV vaccine para maiwasan ang kanser at mga nakakamatay na sakit.

Itinaas na rin umano ng PhilHealth ang mga benepisyo para sa mga malubhang kaso ng pneumonia, biglaang ischemic stroke, at biglaang hemorrhagic stroke ng mahigit 100 porsyento para mabawasan ang gastos ng mga Pilipino.

Sabi naman ni VP PhilHealth, Eli Dino Santos, “Todo suporta kami sa utos ni Speaker Romualdez na palawakin at pagandahin ang mga benepisyo para sa mga pasyente. Hindi lang ito tungkol sa pagdagdag ng saklaw, kundi pati na rin sa pagtiyak na ang aming mga ginagastos ay direktang nakakabuti sa kalusugan at kagalingan ng mga Pilipino.”

Ayon sa mga opisyal ng PhilHealth, ang hakbang na ito para isentro ang kanilang gawain sa kapakanan ng publiko ay nagpapakita ng dedikasyon ng gobyerno sa pagpapabuti ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan, na tinitiyak na bawat Pilipino ay may access sa kailangan nilang pangangalaga, anumang oras nila ito kailangan.

AUTHOR PROFILE