Default Thumbnail

Kailan makakasuhan ang mga airline company?

June 12, 2023 Allan L. Encarnacion 352 views

Allan EncarnacionKARANIWAN na lang ang blackout sa airport.

Kaya iyong ibang kakilala ko, laging may dalang pamaypay, kandila at flashlight sa tuwing dadaan sa ating mga airport.

Jan 1 total blackout, May 1 partial blackout, noong April, 3 hours lang, nitong nakaraang linggo, 2 hours na lang. Parang renta sa bahay, buwan-buwan na yan a!

Salamat sa DOTr, sa CAAP at sa MIAA dahil unti-unti nila tayong sinasanay sa madilim at mainit na paliparan.

Sabi nga, huwag mawalan ng pag-asa, there’s a light ot the end of the tunnel.

Sa Tagalog, sa dulo ng imburnal, tiyak na nakagapos doon ang mga opisyal na sisibakin na marahil ni PBBM bago ang kanyang state of the nation address sa Hulyo.

Mukhang hindi mahihintay ni PBBM na mag-resign ang mga taong ito kaya unahan na niya!

***

By the way, speaking of sinasanay, ganyan na rin ang ginagawa ng Philippine Airlines sa kanilang mga pasahero ngayon.

Sinasanay na rin nila kaming mga pasahero sa palpak nilang serbisyo!

Mula sa walang abisong cancellation ng mga flights, hanggang sa 2 at 3 oras na delayed flights. Noong una, Cebu Pacific ang magna cum laude sa mga delayed at hindi episyenteng serbisyo, ngayon tinalo na sila ng PAL.

Kompetisyon sa pagalingan ng serbisyo sana hindi paligsahan sa kapalpakan.

Mabuti pa pala noong si Ninong Ramon S. Ang ang humawak ng PAL, nagkaroon ng malaking pagbabago dahil naging episyente ang serbisyo.

Nang maibalik kay Ninong Lucio Tan, bakit biglang nababoy ang PAL services? Tiyak na hindi si Kapitan ang dahilan nito, malamang ang mga nagma-manage ng PAL ang may problema.

Mukhang wala ring balak magsipag-resign!

Nitong weekend, palipad ako ng Cebu para sa 12 noon flight. Bigla silang nag-email sa agency ko na na-move sa 2:10 p.m. ang flight ko.

Okey pa rin dahil dinner naman ang sked ng kausap ko sa Cebu. Wala pang 10 minutes, nag-message na naman sila na cancelled ang flight ko para sa raw na iyon. Naloko na!

Doon na ako nagdesisyong hindi na tumuloy kaysa maghanap pa ng bagong flight. Pero after 10 minutes, confirmed na naman daw ang 2:10 p.m. flight kaya nagpasya na akong tumuloy. Hay, parang matandang mali-mali ang PAL.

Bad news, iyong 2:10 p.m. naging 3:30 p.m. Ewan ko sa inyong mga taga-PAL, nakakapagod na kayong mahalin!

Kung mayroon lang iba pang choice, hindi na talaga dapat ako magpa-PAL. Noong una, ang isip ko para sa PAL ay “the only choice.” Pero dahil sa serye ng kanilang kapalpakan at kapabayaan, PAL na lang, wala na tayong choice!

Ano pa ba ang silbi ng Passenger Bill of Rights Law, wala rin, basura pa rin ang tingin nila sa mga pasahero.

Pag pasahero ang na-delay sa pagdating sa airport, bayad sa rebooking, pero kapag sila ang super delayed sa flight na kung minsan ay kinakansel pa nang walang abiso, lusot lagi!

Kailan kaya kikilos ang ating mga lider para kasuhan ang mga airline company na puro negosyo na lang, wala nang serbisyo-publiko?

[email protected]