Kahit may pandemya, tuloy ang paghabol ng BoC sa mga ismagler
DUMARAMI ang mga kababayan nating gustong magpabakuna laban sa COVID-19.
Pero problema, bumagal ang vaccination program ng gobyerno.
May kakulangan kasi ang anti-COVID-19 vaccine.
Kulang ang mga dumarating na suplay ng bakuna sa bansa.
Alam naman natin na pinag-aagawan ngayon ng maraming bansa ang limitadong suplay ng bakuna dahil sa pagdami ng dinadapuan ng COVID-19.
Sa totoo lang, mabilis makahawa ang mga bagong variant ng nakamamatay na virus.
Hindi lang super spreader ang mga variant na ito, kabilang na ang “Delta” variant.
Baka maudlot tuloy ang mask-free Christmas season natin.
Paano tayo magkakaroon ng mask-free holidays, hindi naman maa-achieve ang herd immunity dahil sa kakulangan ng bakuna?
Ang tanging magagawa natin ay sumunod tayo sa mga health at safety protocol.
Kagaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, pagsunod sa social distancing at regular na handwashing.
Ayon sa mga eksperto, malaki ang magagawa ng mga protocol na ito para makaiwas sa COVID-19.
Tama lang ang ginagawang paghihigpit ng gobyerno.
Kung hindi, baka magaya tayo sa mga bansang dumarami ang bilang ng mga taong nagkakasakit at namamatay gawa ng COVID-19.
Huwag tayong pasaway!
***
Sa September 13 na ang pagbubukas ng schoolyear 2021-22.
Mabuti naman at inaprobahan na ni Pangulong Rody Duterte ang pagbabalik ng klase sa mga paaralan.
Hindi dapat matigil ang pag-aaral ng mga bata kahit may pandemya.
Sayang ang panahon.
Ang kailangan lang, dapat matuto ang mga bata kahit walang face-to-face classes.
At huwag tayong magkamaling hayaan ang face-to-face classes.
Buhay ang nakataya dito.
Wala na ngang makain ang marami, magkakasakit pa ang mga bata ng nakamamatay na COVID-19.
Huwag naman, DepEd Secretary Leonor Briones.
Tama ba kami, Pangulong Duterte?
***
Lalong pinaigting ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang kampanya laban sa mga ismagler.
Hindi alintana ang pandemya, puspusan pa rin ang paghabol sa mga pinaghihinalaang importer at broker na sangkot sa ismagling.
Sa pamamagitan ng Bureau’s Action Team Against Smugglers (BATAS), naghain ang ahensya ng mga kasong kriminal sa Department of Justice laban sa 167 suspek mula Enero hanggang Hunyo 2021 Sinampahan ng mga kasong administratibo sa Professional Regulation Commission (PRC) ang 32 customs brokers.
Ang mga kaso ay nag-ugat sa “unlawful importation ng sigarilyo, general merchandise, gamot at iba pang produkto.
Ang pagsampa ng mga kaso ay nagpapakita ng determinasyon ng BoC na wakasan ang ismagling sa bansa.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)