Kahandaan sa trabaho ng SHS isinusulong
IMINUNGKAHI ni Sen. Sherwin Gatchalian na gawing mandatory para sa mga senior high school sa ilalim ng technical-vocational livelihood learners na sumailalim sa libreng assessment para maaari silang magkaroon ng national certifications (NCs) para iangat ang kahandaan sa trabaho ng mga mag-aaral sa senior high school (SHS) sa ilalim ng technical-vocational livelihood (TVL) track.
Sa kanyang interpellation sa panukalang pondo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), pinuna ni Gatchalian na hindi pa rin mandatory sa mga mag–aaral ng SHS-TVL ang assessment para sa mga NCs bagama’t pinondohan ito sa ilalim ng 2024 national budget.
Sa taong ito, P438.162 milyon ang inilaan sa TESDA Regulatory Program para sa libreng assessment ng mga mag-aaral sa Grade 12 sa ilalim ng TVL track.
Balak ng TESDA na maglabas ng joint memorandum circular kasama ang Department of Education (DepEd) upang i-require ang mga mag-aaral ng SHS-TVL na sumailalim sa assessment.
“Suportado ko ang mandatory assessment ng ating mga mag-aaral sa senior high school sa ilalim ng TVL track at aabangan natin ang paglagda sa joint memorandum circular na magpapatupad nito.
Naniniwala ako na susi ito upang makakuha ng maayos na trabaho ang ating mga mag-aaral,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Isinulong ni Gatchalian ang paglalaan ng pondo sa ilalim ng 2024 national budget upang pataasin ang certification rates ng mga mag-aaral sa SHS-TVL.
Para sa mga school years 2019-2020 at 2020-201, umabot lamang sa 25.7% at 6.8% ang certification rate sa mga TVL graduates ng senior high school.
Binabaan ng TESDA at DepEd ang kanilang target upang mag-certify ng 197,077 na mga mag-aaral sa Grade 12 SHS-TVL ngayong 2024.
Bagama’t mas mababa ito ng 53% sa target na 420,967 graduates para sa Fiscal Year 2024, nagbabalak naman ang TESDA na isama sa assessment ang mga graduate mula sa mga nagdaang school year upang tumaas ang mga certification rates.
Noong Nobyembre, 926 sa 1,039 na mag-aaral na sumailalim sa assessment ang nakapasa at nakatanggap ng certification.
Sa ilalim ng General Appropriations Bill para sa fiscal year 2025, (House Bill No. 10800), P496.6 milyon ang nakalaan para sa libreng assessment at certification ng mga mag-aaral sa SHS-TVL.