Crime

KAGAWAD BET BINARIL

September 17, 2023 Steve A. Gosuico 283 views

BONGABON, Nueva Ecija – Isang kandidato sa pagka-barangay kagawad para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa susunod na buwan at isang ginang ang sugatan sa pamamaril sa inuman Sabado ng gabi sa bayang ito.

Kinilala ni Bongabon police chief Major Christopher U. Baluyot ang mga sugatan na isang 54-anyos na lalaki, kandidato para sa barangay kagawad sa Barangay Pesa, at isang 29-anyos na maybahay.

Kinilala ang suspek na 40-anyos at tubong Bgy. Pesa. Nakumpiska sa suspek ang isang cal.38 revolver na may apat na bala matapos itong maaresto.

Lumalabas sa imbestigasyon na nagi-iinuman ang biktima at suspek bandang 11:35 ng gabi nang magkaroon ng mainitang pagtatalo. Sinabi ni Baluyot na namaril ang suspek nang mapahiya sa harap ng iba pang bisita sa inuman.

Tinamaan sa kaliwang parte ng tiyan ang lalaki at sa kanang braso ang babae. Isinugod sa Bongabon District Hospital ang dalawa at ngayo’y nasa ligtas na kalagayan na.

Inihahanda na ang kaukulang mga dokumento para sa pagsasampa ng kasong double frustrated homicide, paglabag sa Republic Act 10591 at Omnibus Election Code laban sa suspek, ayon sa mga pulis.

AUTHOR PROFILE