Huli HULI – Mangiyak-ngiyak ang ginang matapos arestuhin ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) dahil sa kaso nitong frustrated murder sa Tondo, Manila.

‘KABIT’ SINUNOG NI MISIS!

August 4, 2024 Jonjon Reyes 296 views

SOBRANG galit ako kasi sobrang mahal ko ang mister ko, ayokong ma-broken family ang anak ko.”

Ito ang mga naging kataga ng isang 25-anyos na ginang na inaresto ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) District Special Operation Unit (DSOU) dahil sa kaso nitong frustrated murder sa kahabaan ng C. P. Garcia Street, Barangay 123, Moriones, Tondo, Manila, araw ng Biyernes.

Nakilala ang suspek na si alyas “Cherry” na kabilang sa most wanted person district level sa nasabing lugar.

Ayon sa report ni PLt. Col. Marlon Mallorca, bandang 11:40 ng umaga nitong nakalipas na July 26 nang matunton ang ginang.

Bitbit ng mga operatiba ang arrest warrant nito na inisyu ni Acerey C. Pacheco, acting presiding judge ng Regional Trial Court Branch 3 ng Lungsod ng Maynila, na may petsang Hulyo 18 at may inirekomendang fixed bail na halagang P200,000 para sa pansamantalang paglaya ng suspek.

Base sa salaysay ng suspek, binuhusan umano nito ng kerosene o gaas ang ulo ng biktima na kanilang kapitbahay habang natutulog ito sa labas ng bahay ng biktima, matapos paghinalaan nito na may relasyon sila ng kanyang mister.

Ayon pa sa ginang, “Sobrang galit nga po kasi sobrang mahal ko ang mister ko. Kahit na ganoon pa man, ayokong magkaroon ng broken family ang anak ko.”

Nang makita nito na nagliliyab na ang ulo ng biktima tila nakonsensiya na siya, aniya.

“Naisip ko sanang dalhin sa ospital, pero wala eh no choice na po ako eh, talagang natakot na po ako sa ginawa ko noon eh, kaya naisip ko na tumakbo na lang po ako,” sabi ng ginang.

Nagtamo naman ng pinsala sa ulo, leeg at kamay ang biktima matapos maapula ang nasusunog na katawan nito.

Ayon naman sa pahayag ng biktima: “Binuhusan niya ako ng gaas sa ulo habang natutulog po ako. Lumiyab po ako n’un, tumatalon-talon ako kasi sobrang sakit na po, nag-aapoy na kasi ako.”

Itinanggi naman ng biktima na may relasyon sila ng mister ng ginang. “Pinagbibintangan at pinagkakalat niya na ako daw po ang kasama ng mister niya na pumasok sa isang hotel, samantalang kasama ko ang asawa ko noong araw na ‘yun sa aming bahay,” ayon sa biktima.

Ayon naman kay Police Major Philipp Ines, tagapagsalita ng MPD, may nauna pang kaso na frustrated homicide ang ginang matapos saksakin nito ng basag na bote ang isa pang biktima na bebot noong Oktubre 2022 sa may Tondo, makaraang paghinalaan din nito na karelasyon ng kanyang mister.

Nagpaalala naman ang MPD na kung sakaling may mga ganitong problema — kabilang ang pagdududa sa mga partner — maaaring pagusapan at bigyang kahalagahan ang pamilya dahil may sinumpaan ang mag-partner.

AUTHOR PROFILE