K-Brosas Larawan mula sa IG/@kbrosas

K Brosas sa anak na LGBT: ‘Kahit halamang dagat ka pa’

October 6, 2023 People's Tonight 251 views

IKINUWENTO ng singer-comedienne na si K Brosas ang kanyang naging reaksyon matapos umamin ng kanyang anak na si Crystal na bahagi ito ng LGBTQIA+ community.

Sa latest vlog ng journalist na si Karen Davila kasama si K bilang guest, napag-usapan nila na bago pa man mag-out ang anak ng comedienne ay nakarating na sa kanya ang bali-balitang lesbiana ito.

“Your daughter, nung lumabas siya na lesbiana siya, what was your reaction?” tanong ni Karen sa komedyante.

Ayon kay K ay siya na ang kumausap sa anak matapos makarating sa kanya ang balita at sinabing tanggap naman niya ang anak kahit ano pa man.

“Matagal ko nang alam. Alam ko na high school pa lang, nakakaramdam na ko. Pero syempre kwento nila ‘yan eh, dapat sila ang magkwento,” saad ni K.

“Ako pa ang nagsabi sa kanya kasi nakarating na sakin, ‘yung anak mo tomboy pala.’ Ayoko nang lumaki, so sabi ko, inunahan ko na siya,” dagdag pa niya.

Pahayag pa ni K na iyak daw nang iyak si Crystal matapos niyang sabihing alam na niya ang kasarian nito. Hirit pa nga ng komedyante ay kahit maging halamang dagat pa ito ay tanggap naman niya dahil sariling anak niya ito.

“[Sabi ko], ‘anak alam ko na.’ Iyak lang siya ng iyak. Ako, ‘di ako umiiyak. Sabi ko, ‘kahit halamang dagat ka pa.’ Ganun talaga dapat, kasi sa panahon ngayon, anak niyo ’yan. Siyam na buwan nating dinala ‘yan,” sey ng singer-comedienne.

AUTHOR PROFILE