
Julie Anne libreng voice coach ni Rayver
Aminado si Rayver Cruz na isa sa mga dahilan ang girlfriend niyang si Julie Anne San Jose kung bakit naging inclined siya sa musika at pag-awit.
As we all know, mas kilala ang aktor bilang mahusay na dancer pero mula nang ma-link siya at maging girlfriend niya si Julie Anne, unti-unti niyang naipakita na kaya rin niyang maging singer.
Ngayon ay sa big screen na ipapakita ng aktor ang kanyang talento sa pag-awit dahil isa siya sa mga bida ng musical film na “Sinagtala” kasama sina Arci Munoz, Matt Lozano, Rhian Ramos at Glaiza de Castro.
Sa mediacon ng naturang pelikula, masayang inamin ng aktor sa malaking tulong si Julie Anne para mahalin niya ang musika.
“Naka-inspire rin talaga sa akin si Julie na mahalin ang music lalo kasi nga alam naman ng lahat na talagang ‘pag sinabi mong si Rayver, mananayaw, eh.
“Pero, especially nu’ng minahal ko nang todo-todo si Julie, minahal ko na rin talaga ‘yung music. And alam naman niya ‘yon,” sey ng aktor.
Si Julie Anne nga rin daw ang nagsisillbing voice coach niya at libre pa.
“Masuwerte nga ako, eh, kasi palagi akong may voice coach, libre pa,” sey ni Rayver na natatawa.
“And nakatulong siya sa akin na magbigay ng kumpiyansa. And every time na… especially kapag kasama ko siya. ‘Yun kasi ‘yung wala sa ‘kin, ‘yung kumpiyansa.
“Iba ‘yung kumpiyansa ko pagdating sa sayaw, ‘pag umaarte ako. Iba rin ‘yung kumpiyansa ko pagdating sa kumakanta. And siya ‘yung isa sa mismong nagpu-push sa ‘kin na ‘kumanta ka nang kumanta kasi sayang nga dahil nga marunong ka naman,’” saad ng aktor.
Sumingit naman ang co-star niyang si Rhian at sinabing maganda ang boses ni Rayver na sinegundahan naman nina Glaiza at Arci.
“Ibang-ibang Rayver po ang mapapanood n’yo sa pelikula na ‘to,” sambit ni Glaiza.
“Tayo ‘yon,” sabi naman ni Rayver.
Anang aktor, “Pero ‘yun nga, will ni Lord na mapabilang dito (sa movie) and nakagawa kami ng music together.”
Sey pa ng aktor, talaga raw pinaghandaan nilang lahat ang pelikula kung saan ay gumaganap sila na miyembro ng isang banda.
“’Yung music na nagawa namin, maganda talaga. Hindi naman po namin parang ‘yung parang ginawa namin na wala lang. Talagang pinaghandaan po namin. Kagaya ni Rhian, sinasabi niya na ganu’n lang siya. Pero bukod sa magaling siyang kumanta, magaling siyang pumalo ng drums.
“Sino bang may alam na magaling siyang pumalo ng drums, ‘di ba? And bukod sa magaling na siya, inaral pa niya ulit para du’n sa movie. Kaya siya talaga ‘yun. For me, siya ‘yung pinakamahirap na instrumentong ginagawa dito, eh. So, ang galing.
“Si Glaiza, alam naman natin na magaling maggitara, sobrang talented,” papuri ni Rayver sa co-stars.
“Si Arci, ganu’n din, napaka-talented. Si Matt, ganu’n din. So, parang ang swerte ko na mapabilang sa ganitong cast na talagang nu’ng binagsak ni Lord ‘yung talento, nasalo nilang lahat. So, ‘yun, masaya ako sa pamilya ko na ‘Sinagtala,’” dagdag ni Rayver.
Ang kwento ng “Sinagtala” ay iikot sa relasyon nilang lima bilang isang banda.
Ipalalabas na ang pelikula sa mga sinehan sa April 2 mula sa direksyon ni Mike Sandejas under Sinagtala Productions.