Julia sobrang nag-aalala kay Gerald, hindi matawagan
SOBRANG nag-aalala pala si Julia Barretto sa kanyang boyfriend na si Gerald Anderson kapag isinusuong nito ang sarili sa mga mapanganib na ginagawa nito sa totoong buhay.
Katulad na lamang nang tumulong siya sa ilang nabiktima ng baha dulot ng bagyong Carina kamakailan.
“Tawag pala siya (Julia) nang tawag sa akin, pero wala akong signal noon,” kuwento ni Gerald sa surprise presscon para sa kanyang bagong sisimulang series sa ABS-CBN, ang ‘Nobody.’
Ayon kay Gerald, ginagawa lang niya ‘yun dahil sa impulse o pagkakataon at hindi big deal para sa kanya. “Ang totoo, inililigtas ko lang yung mga sasakyan ko, kasi yung tubig pataas nang pataas. Yung mga kotse ko, nailipat ko na sa mas mataas na lugar pero yung mga motor ko, apat yun eh, baka maabot sa baba. Eh eksakto, may dumaan sa harap ng garahe. Sabi niya, ‘sir, ang dami pang naipit sa dulo ng kalsada.’ Eh alangan naman na sabihin ko, ‘OK good luck na lang, sir.’ So yun, that’s how it started, honestly. Kumuha ako ng inflatable pool. Kami ng kasama ko. Honestly, dumating sa point na parang inisip ko, mapapahamak ako, pero sa team work na ginawa namin, alam ko na ligtas na yung mga tao, makakatulog na nang maayos. Nabaha yung mga motor ko, pero mapapayos naman yun, pero yung mga tao, mas importante na ligtas sila.”
Maiuugnay ang ginagawa niya sa totoong buhay sa bagong serye niyang uumpisahan, ang action-drama series na “Nobody.”
Iikot ang nakaka-intrigang serye sa katapatan, integridad, at moralidad ng isang tao ayon sa teaser nito na ipinakita ang adbokasiya ni Gerald sa pagtulong sa mga tao sa tunay na buhay ngunit iniwan ang katagang “this is not a story about a hero… Gerald Anderson is a nobody.”
“It’s the perfect comeback show kasi it’s very challenging. This is a journey ng isang tao na hindi mo alam kung ano ba talaga siya. Is he a hero? Vigilante ba siya? Does he have integrity?” aniya sa naganap na project announcement nitong Miyerkules (Agosto 28) sa ABS-CBN.
Haharap sa matinding physical training si Gerald para sa kanyang karakter bilang law enforcement officer.
Aniya, “May martial arts at firing training dahil law enforcement ako rito so may mga special training. May konting knowledge ako from the coastguard and I’ll try to share it with the cast members.”
Si Jessy Mendiola ang magiging leading niya sa naturang series.
Pangungunahan ng JRB Creative Production ang produksyon ng “Nobody” kasama si Benedict Mique bilang director, Dindo Perez bilang creative manager at Cenon Palomares bilang head writer.
“Yung sarap ng feeling na nakakatulong ka sa mga tao, yun ang gusto kong ilabas sa show namin,” sabi pa ni Gerald.