Carlo

Julia may laban sa pagka-best actress — Carlo

November 24, 2024 Ian F. Fariñas 91 views

KUNG ang leading man niyang si Carlo Aquino ang tatanungin, matibay ang laban ni Julia Barretto sa pagka-best actress para sa 2024 Metro Manila Film Festival entry nilang “Hold Me Close” ng Viva Films.

Giit ni Carlo sa katatapos na mediacon ng Jason Paul Laxamana movie, “Sobrang husay kaya ni Juju (pet name ni Julia) dito, ‘di ba, Direk?” na sinang-ayunan naman ng direktor.

Si Julia, walang nasabi kundi honored siya na mapabilang sa isa sa sampung entries sa 50th year ng MMFF.

Aniya pa, “Sobra ko sila idolo,” patungkol sa iba pang mga aktres na may entry sa taunang pestibal. “Even to be mentioned with their name, nakaka-dyahe siya. But I think this film, making it and being included, is such a great honor,” patuloy ni Julia.

Ang naturang reunion film ng “Expensive Candy” team ay kinunan pa sa Karatsu, Japan.

Sa “Hold Me Close,” ginagampanan ni Carlo ang papel ni Woody, na pitong taon nang nagbibiyahe sa iba’t ibang parte ng mundo para maghanap maaari niyang tawaging “tahanan.”

Ang paglalakbay niyang ito ang magdadala sa kanya sa Karatsu sa Saga, Japan.

Makikilala niya roon si Lynlyn (Julia), isang charming pero misteryosong squid vendor. Magki-click sila agad, at dito magsisimulang maniwala si Woody na sa wakas ay natagpuan na niya ang kanyang tahanan.

Pero may lihim na itinatago si Lynlyn at ito ay ang kanyang kakaibang psychic ability. May kakayahan siyang makita kung saya o lungkot ang dadalhin ng isang tao sa buhay niya.

Dahil dito, natuto siya na maging maingat sa kanyang mga relasyon.

Sa una, wala siyang makukuhang senyales sa magiging epekto ni Woody sa buhay niya. Pero naisip ni Lynlyn na mabuti na ’yon kesa kalungkutan ang maramdaman niya.

Kaya hahayaan niya itong manligaw sa kanya. Kaso, darating ang araw na makakaramdam siya ng kalungkutan nang hawakan si Woody. Magkakaroon siya ng vision na sasaktan lang siya nito.

Kaya pipiliin niyang lumayo kahit malalim na ang kanilang koneksyon.

Determinado naman si Woody na patunayan kay Lynlyn na mali ang kanyang nakita. Mababago kaya ni Woody ang isip ni Lynlyn? Mas maalam ba ang puso kesa sa babala ng tadhana?

Alamin kung magtatagumpay sina Lynlyn at Woody na baguhin ang kanilang kapalaran sa “Hold Me Close.”

Kung ang unang pagtatambal nina Julia at Carlo sa “Expensive Candy” ay tumalakay sa isang matapang at daring na tema, pakikiligin at sasaktan naman nila ang audience dito sa romantic-drama ngayong Kapaskuhan.

Huwag palampasin ang muling pagsasama nina Julia at Carlo sa big screen. Ang “Hold Me Close” ay ipapalabas sa mga sinehan nationwide simula Dec. 25.

AUTHOR PROFILE