Coco & Julia

Julia, mala-Black Widow at Angelina Jolie sa ‘FPJAP’

August 14, 2021 People's Tonight 218 views

JuliaMainit na usap-usapan sa social media ngayon ang inaabangang karakter ni Julia Montes sa Kapamilya teleseryeng FPJ’s Ang Probinsyano matapos ilabas ng Dreamscape Entertainment ang matitinding training videos ng aktres, pati na ang patikim na fight scenes niya kasama si Coco Martin.

Sa pinakahuling video na inilabas, makikitang sumasabak si Julia sa iba’t ibang maaaksyong fight scenes habang tinuturuan at inaalalayan siya ni Coco.

Sabik na rin ang netizens na mapanood ang mala-Black Widow at Angelina Jolie na karakter ni Julia.

Pahayag ng stunt coordinator ni Julia na si Erwin Tagle, partikular si Coco sa pag-eensayo ng aktres para masigurong makuha nito ang tamang pag-atake sa gagampanan niyang karakter.

“Gusto talaga ni Direk Coco na bumuo ng team for Julia pagdating sa fight scenes niya. Pati camera shots, pati camera angles, iba ang approach. Pinag-combine ko ang Filipino martial arts, ‘yun ang fight design talaga namin for Julia. Although nag-request si Direk Coco na ‘bigyan mo ako ng street fight, konting brawl,’” saad ni coach Erwin sa TV Patrol.

Kanya-kanyang hula naman ang netizens kung ano nga ba ang magiging papel ni Julia sa serye, lalo’t hindi pa tiyak kung magiging kakampi o kaaway ba siya ni Cardo Dalisay (Coco Martin) sa longest-running action-drama series sa bansa.

Huwag palampasin ang mga maaaksyong eksena sa FPJ’s Ang Probinsyano gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, CineMo, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, iWantTFC, WeTV at iflix.

Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.

AUTHOR PROFILE