Sylvia

Julia brutal sa sarili ’pag tinotopak

December 10, 2024 Ian F. Fariñas 77 views

BRUTAL pala sa sarili si Julia Montes kapag tinotopak.

’Yan ang inamin ng aktres kamakailan sa grand mediacon ng Metro Manila Film Festival (MMFF) entry niyang “Topakk,” kung saan kasama niya si Arjo Atayde.

Kung si Arjo ay mas pipiliing manahimik at umiwas kesa ibunton ang inis sa ibang tao, si Julia, sumisimangot at minsan ay naiiyak pa sa sobrang frustration.

Kwento ng aktres, mababaw ang pasensya niya, lalo na ’pag gutom.

“Plus harsh ako sa sarili ko po, eh. So kanina, papunta dito, siyempre naka-mindset ako kailangan ko mag-ayos. ’Yung susi na tangi kong dala sa araw na ‘yon ay dapat susi ng unit. ‘Yun pa ‘yung pinaka-naiwan ko. So paano kami magsisimulang mag-ayusan kung wala kaming susi nu’ng unit? So medyo brutal ako sa sarili ko kapag ganu’n. So mas tinotopak ako lagi sa sarili ko more than sa tao. Kasi nga, mabilis akong ma-affect, sensitive akong tao. So ‘yun, ang topak ko lang, ‘yan, sisimangot ako, minsan naiiyak pa ‘ko sa sobrang frustration. Pero ganu’n lang naman at kapag kumain na ako ng masarap na pagkain, automatic, nakangiti na ‘ko. Ganu’n lang naman. ‘Yung iba, ‘pag bagong gising, ‘wag mong lolokohin. Sa akin, ‘pag gutom, medyo talo-talo tayo, hahaha!” pagbibigay-halimbawa ni Julia.

Bilang producer, sobra namang proud si Sylvia Sanchez ng Nathan Studios sa husay na ipinakita ng dyowa ni Coco Martin sa action-packed thriller film na dinirek ni Richard Somes.

Ani Sylvia, “Honestly, mayroong nakita ang Nathan Studios na bagong action queen. Mark my word, si Julia, isang movie pa, ‘yan na ang magiging bagong action queen.”

Buwis-buhay umano ang mga eksenang ginawa ni Julia sa pelikula at higit sa lahat, ayaw nitong gumamit ng double.

“Makikita n’yo do’n, may isang eksena na talagang tumalon siya, siya talaga ‘yun. Na nakabitin siya, siya talaga ‘yon,” dagdag pa ng aktres-produ.

Sa sobrang bilib kay Julia, ngayon pa lang ay inanunsyo na ni Sylvia na may follow-up movie na itong gagawin para sa Nathan Studios.

“Basta mark my word, next year si Julia ang bagong action star at gagawin namin, mayroon na kaming follow-up for Julia,” paniniguro pa ni Sylvia.

Siyempre, kilig-kiligan naman si Julia sa mga sinabi ng kanilang producer.

Aniya, “Ang sarap sa pakiramdam. Sinasabi ko nga kay Tita (Sylvia) na sobrang sarap sa pakiramdam na may naniniwala sa ‘yo. So, this time, kung sinusugalan ako ni Tita, syempre, susugalan ko kung ano ‘yung pinaniniwalaan sa akin. So ie-embrace ko ‘tong action na ‘to.”

Jointly produced by Nathan Studios, Fusee and Strawdogs, ang “Topakk” ay mapapanood sa mga sinehan simula Dec. 25.

AUTHOR PROFILE