Julia at Aga, nag-enjoy sa Baguio shoot
MUKHANG sobrang nag-enjoy sina Julia Barretto at Aga Muhlach sa ginawang shooting sa Baguio City para sa kauna-unahan nilang pagtatambal sa pelikula, ang Viva Films movie na Forgetting Canseco.
Nakabalik na nga ang aktres ng Maynila habang si Aga ay lumipad abroad para um-attend ng graduation ng unica hija na si Atasha Muhlach.
Makikita ang ilang litrato mula sa ginawang shoot sa Instagram ni Julia kung saan sinabi niya na, “That’s a wrap. #ForgettingCanseco… Time flies when you are having fun. BRB, while I let all of that sink in.”
Siyempre, pinusuan ni Aga ang IG post ng kapareha at nag-comment pa ng, “The best!”
Gaya ng sinabi nila sa mediacon ng Forgetting Canseco, parehong kabado sina Aga at Julia sa pakikipagtrabaho sa isa’t isa dahil nga first time nilang magkakasama.
Gagampanan nila sa movie na isinulat at idinirek ni Denise O’Hara ang papel nina Jasmine Rodriguez (Julia), isang independent at outspoken na babae na nangangarap maging parte ng isang internationally renowned choir at Michael Capistrano (Aga), isang chorale conductor.
Dahil sa sikat na lead stars at ganda ng istorya, marami ang nagwi-wish na mapasama ang Forgetting Canseco sa nalalapit na 2023 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Pero sey nga ni Direk Denise, “We cannot say anything yet. I don’t know. We’ll see, we’ll see. Siguro one step at a time.”