Joshua

Joshua sa pagkaka-link kay Ivana: Ang bilis, ’no?

November 13, 2021 Ian F. Fariñas 370 views

HINDI pa sila muling nagkakausap ni Ivana Alawi. ’Yan ang sinabi ng Kapamilya actor na si Joshua Garcia sa virtual mediacon kamakailan ng ABS-CBN Entertainment series na Viral Scandal, kung saan kapareha niya ang multi-awarded actress na si Charlie Dizon.

Ayon pa kay Joshua, nakakapag-usap lang naman sila ni Ivana sa pamamagitan ng DM ng Instagram.

Matatandaan na umamin ang sikat na vlogger/influencer na crush niya ang aktor.

Mabilis silang naging item mula nang mag-comment si Joshua sa anniversary ni Ivana bilang YouTube vlogger.

Mula nu’n, anang aktor, limitado ang pag-uusap nila sa pagku-comment kapag nakakatawag-pansin ang IG Story ng isa’t isa.

“Ang bilis, ’no? Ang galing! Wala, eh, ganu’n na talaga ngayon,” reaksyon pa niya sa pagiging “viral” ng online exchanges nila ni Ivana.

Kaya naman somehow ay nakaka-relate si Joshua sa tema ng Viral Scandal nila ni Charlie.

Napapanahon nga kasi ang itinatakbo ng istorya nito although wish niya na ’wag naman itong mangyari sa totoong buhay.

Kaabang-abang nga ang salpukan ng galing sa pag-arte nina Charlie at Joshua sa pagbabalik-telebisyon nila bilang sina Rica at Kyle, dalawang kabataang masusubok ang relasyon dahil sa isang viral video.

Si Rica ang panganay na anak nina Kakay (Dimples Romana) at Dan (Miko Raval). Patapos na siya ng kanyang pagsasanay sa isang architectural firm at kukuha na rin ng board exam, pero magbabago ang lahat sa oras na mag-viral ang kontrobersyal niyang video.

Gayunpaman, pipilitin ni Rica na mamuhay nang normal at maga-apply sa Balai Arkitektura kung saan acting CEO si Kyle (Joshua).

Dito hahanapin ni Rica ang kumpiyansa sa sariling nawala sa kanya dahil sa kahihiyang dinulot ng iskandalong kinasangkutan niya.

Sa gitna ng gulong haharapin ng dalawa, may puwang pa kaya ang pag-ibig para kina Rica at Kyle?

Minamarkahan ng serye ang pagbabalik ng dalawa sa RCD Drama Unit, ang nagprodus ng award-winning shows nilang A Soldiers Heart at The Killer Bride.

Makakakasama rin sa Viral Scandal sina Dimples Romana, Jake Cuenca, Miko Raval, Jameson Blake, Markus Patterson, Ria Atayde, Maxene Magalona, Aljon Mendoza, Karina Bautista, Louise Abuel, Kaila Estrada, Vance Larena, Gian Magdangal, Arielle Roces at Aya Fernandez.

Abangan ang Viral Scandal na magsisimula nang mapanood bukas, November 15, sa Kapamilya Channel, TV5, A2Z, Kapamilya Online Live, iWantTFC at TFC IPTV.

AUTHOR PROFILE