Aiko

Jomari, ’di pinasalamatan ni Aiko sa pag-graduate ni Andre

June 18, 2021 Vinia Vivar 897 views

Masayang-masaya si Aiko Melendez na naka-graduate na ang kanyang panganay na anak na si Andre Yllana.

Nagtapos na ang young actor ng Automobile Mechanic Course sa Don Bosco at ipinost nga ito ng aktres sa kanyang social media accounts.

Sa kanyang post ay proud na binati ni Aiko si Andre kasabay ng pasasalamat sa mga taong nakatulong sa kanila para maka-graduate ang anak.

Pero marami ang nakapansin na hindi kasama sa pinasalamatan niya ang ama ni Andre na si Jomari Yllana.

Kaya naman isa ito sa mga naitanong sa kanya sa Zoom presscon niya last Thursday para sa kanyang bagong negosyo na isang shopping website.

“Kasi, hindi naman kaila sa lahat that Jom and I are not in speaking terms, ’di ba?

“Mas maganda siguro rin, para sa akin ha, opinyon ko ‘to, na sana rin, na sa pag-graduate ng anak niya, mag-post din siya, mag-congratulate rin siya ng mensahe niya para sa anak niya mismo, ’di ba?

“I don’t have to glorify Jomari, and I don’t have to insult him also in such a way without mentioning his name, pero alam naman nating lahat na iginapang ko ‘yung anak ko para makapagtapos, ’di ba?” pahayag ni Aiko.

She also stressed that she doesn’t mean any harm sa kanyang post.

“Wala akong gustong mga saktan sa post ko. Nanggagaling lang ‘yun sa puso ko talaga dahil ‘yun ‘yung mga taong kasama ko na ginapang ‘yung pag-aaral ni Andre,” sey ni Aiko.

Samantala, nakatakdang mag-launch ang aktres ng shopping website kung saan kasosyo niya rin ang boyfriend na si Zambales Vice Governor na si Jay Khonghun.

“Ang pangalan ng website ko po ay Ping Me Up Store, it’s a website where you can shop online anything, lahat,” sey niya.

Katulad din ito ng dalawang malalaking shopping website natin ngayon pero aniya ay nagsisimula pa lang siya kaya wala pa siyang laban sa lakas ng mga ito but siyempre, goal din niya na mapalakas ng ganu’n ang kanyang negosyo.

Kwento ni Aiko, si VG Jay daw ang kanyang boss sa bagong bussines na ito. Idea raw niya ito actually at pinitch naman niya sa BF.

Noong una raw ay kontra pa ang nobyo pero bandang huli ay napapayag din niya.

Sey naman ni VG Jay, nakumbinsi raw siya ni Aiko dahil dinaan siya nito sa lambing.

Bukod sa bagong business ay magiging busy rin si Aiko sa bagong horror trilogy movie na Huwag Kang Lalabas mula sa direksyon ni Adolf Alix Jr.

Magsisimula na rin siyang mag-taping ng Book 2 ng Prima Donnas ng GMA-7 ngayong August.

AUTHOR PROFILE