
Jojo Mendrez: Naglalaro o pinaglalaruan?


PAGKATAPOS magkaroon ng usap-usapan sa pagitan ng aktor na si Mark Herras at ng tinaguriang Revival King na si Jojo Mendrez, tila biglang naiba ang ihip ng hangin nang makita ang singer kasama ang matagal na ring hindi aktibong aktor na si Rainier Castillo.
Sa isang paparazzi shot, makikita sina Jojo at Rainier na magkasamang naglalaro sa isang casino.
May nagsabing kaagad napunta kay Rainier ang atensyon ng singer matapos pabulaanan ni Mark ang anumang ugnayan nila ni Jojo maliban sa pagiging magkaibigan at bilang lead character sa isang music video nito.
Maalalang parehong produkto ng Starstruck ng GMA sina Mark at Rainier, at sa totoo lang, malapit silang magkaibigan. Kaya nga may mga nagtatanong kung pinaglalaruan ba ng dalawa si Jojo, o ang huli ang naglalaro sa kanila.
Wala pang pahayag ang management company ni Jojo tungkol dito. Mas pinagtutunan nila ng pansin ang awitin ni Jojo na ‘Nandito Lang Ako’. Gayunman, pati na ang naturang awitin ay binibigyan ng ibang kahulugan ng followers ng singer. Sino raw ba ang naiisip ng singer kapag kinakanta niya ito: Si Mark ba o si Rainier?
Pero sa totoo lang, hindi na kailangang lagyan pa ng maanghang na usapang personal ang kantang ‘Nandito Lang Ako’ dahil sa maganda ang rendition dito ni Jojo. Unang-una, ang composer nito ay si Jonathan Manalo na most streamed songwriter sa bansa. Hindi nito ipagkakatiwala ang isang awitin sa isang singer na hindi makapagbibigay ng tamang buhay sa kanyang kanta.
Nang una naming marinig ang awiting ito ni Jojo, kaagad naming naisip na malakas ang recall nito at tiyak na magugustuhan ng mga mahilig sa OPM. Kung tutuusin, mas malakas pa ang recall nito sa kanyang ni-revive na awiting ‘Somewhere in My Past’ na sinulat ni Doc Mon del Rosario at pinasikat noon ng namayapang Julie Vega. Nag-hit ang revival song ni Jojo matapos umani ng 45 million streams sa iba’t ibang platforms.
Kaya, sana hindi na masyadong pinag-uusapan kung sinuman ang madalas na kasama ni Jojo, kundi kung gaano kaganda ang awiting ‘Nandito Lang Ako’ na nasa ilalim ng Star Music ng ABS-CBN.