Jojo2

Jojo Mendrez bakit tinawag na Revival King?

March 4, 2025 Eugene E. Asis 178 views

DAAN-daan pala ang nag-audition para i-revive ang awiting ‘Somewhere in My Past’ ni Julie Vega, pero ang pinalad ay ang singer na si Jojo Mendrez.

Ayon sa composer nitong si Dr. Mon del Rosario, talagang naghahanap siya ng isang lalaking singer na makapagbabago ng timpla nito. Pero hindi kaagad nagkaroon ng katuparang mai-record itong muli dahil nang gagawin na nila ito, lumaganap ang COVID 19. Nabiktima ang singer na si Jojo, at ang pinakamasaklap, binawian ng buhay ang kanyang ama.

Tatlong taong nagpahinga sa showbiz si Jojo, at noong 2024, nagkaroon siya ng panibagong lakas at inspirasyon upang maipagpatuloy ang naantalang proyekto. At nang ilabas ng Aqueous Entertainment ang naturang awitin, nakapagtala ito ng nasa 45 million streams sa iba’t ibang platforms, dahilan upang muling mabuhay ang singing career ni Jojo. Dahil dito, kaagad siyang tinawag na Revival King.

Napansin siya ng Star Records at kamakailan, pinapirma siya ng naturang kompanya para naman i-record ang bagong komposisyon ng most streamed composer na si Jonathan Manalo, ang ‘Nandito Lang Ako.’

Kinausap na rin siyang muli ni Mon del Rosario para i-revive din ang isa pa niyang hit song, ang ‘Unang Halik’ na pinasikat naman noon ni Tina Paner.

Inspiring na matatawag ang buhay ni Jojo. Mula siya sa isang mahirap na pamilya sa Lucena City sa Quezon province, nagsumikap sa buhay hanggang marating ang kinalalagyan ngayon.

Bagama’t nababahiran ng ilang kontrobersiya ang kanyang buhay ngayon, tulad ng pagli-link sa kanya sa aktor na si Mark Herras, mas pinagtutuunan niya ng pansin ang kanyang singing career.

Sa isang mediacon na ginanap sa Quezon City, ipinarinig niya ang kanyang bagong awitin na ‘Nandito Lang Ako” at masasabing isa na naman itong potential hit.

Tamang tama lang ang titulo niya bilang Revival King. Hindi lamang ang hit songs noon ang kanyang muling pinasisikat kundi pinaangat din niyang muli ang kanyang naunsiyaming singing career.

AUTHOR PROFILE