JOEL ‘TAGILID’
Dismayado sa pinagsasabi, Villanueva posibleng hindi na suportahan ng maraming kongresista
DISMAYADO ang mga kongresista sa mga naunang sinabi ni Sen. Joel Villanueva kaya malamang ay hindi na umano nila ito suportahan kapag muling tumakbo, ayon kay House Appropriations Committee chairman and Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.
Mistulang minaliit ni Villanueva ang boto na nakukuha ng mga kongresista ng ikumpara sa boto na nakukuha ng mga senador kaya hindi umano sila dapat ikumpara sa mga ito.
“Sinasabi nila, they have 15 million votes, sabi ni Sen. Joel. So be it kung ‘yun ang sa tingin niya. Pero alalahanin nya na ang Kongreso, ang mga congressman pagdating sa district, lagi nilang hinihingian ng tulong at darating ang araw hihingi siya (Villanueva) ng tulong,” sabi ni Co.
“At hindi ko ho alam sa ngayon sa mga sinabi niya ay tutulong pa ang mga congressman. And ang plano po namin, kung sino ang aming susuportahan at sino rin ang aming ide-declare na persona non grata na hindi susuportahan,” babala nito.
Ginawa ni Villanueva ang pahayag sa gitna ng isinusulong na people’s initiative na suportado ng mga mambabatas upang amyendahan ang economic provision ng Konstitusyon.
Naunang sinabi ni Co na siya ay dismayado kay Villanueva sa pagmamaliit nito sa mga miyembro ng Kamara kung saan ito dati nabibilang bilang kinatawan ng CIBAC party-list.
“Unang una, si Senator Joel ho ay dati naman siyang partylist,” sabi ni Co.
Noong 2016, ipinag-utos ng noon ay Ombudsman Conchita Carpio Morales ang pagsibak kay Villanueva bilang miyembro ng Senado kaugnay ng P10 milyong pork barrel fund na pumasok umano sa bogus na NGO ni Napoles.