Job well done kay P/BGen. Jimili Macaraeg

August 10, 2022 Edd Reyes 186 views

Edd ReyesTAAS-NOONG lilisanin ni P/BGen. Jimili Lopez Macaraeg ang pamumuno sa buong puwersa ng Southern Police District (SPD) matapos matalaga bilang Director ng Police Regional Office (PRO)-12 sa Central Mindanao.

Sa halos mahigit isang taong pamumuno mula nang matalaga bilang SPD Director noong Mayo 11, 2021, mahusay na napangasiwaan ni BGen. Macaraeg ang pagkakaloob ng serbisyo at proteksiyon sa mga mamamayan ng anim na lungsod at isang munisipalidad na kanyang nasasakupan, katuwang ang mga hepe ng pulisya, para mapanatili ang kaayusan at katahimikan.

Sa kanyang pamumuno, nalansag ang malalaking sindikatong sangkot sa ilegal na droga na nagresulta sa pagkakakumpiska sa milyon-milyong halaga ng ilegal na droga, pagkakadakip sa mga itinuturing na high value individuals (HVIs), pagwasak sa mga drug den na pinamumugaran ng mga drug pushers at drug addict at pagdakip sa mga sangkot sa illegal na sugal.

Naging matagumpay din ang ginawang kampanya ni Macaraeg laban sa mga banyaga, karamihan ay mga Chinese nationals, na sangkot sa pagdukot sa kanilang kababayan, kapalit ng hinihinging ransom bunga na rin ng kanyang direktiba na aksiyunan kaagad ang mga natatanggap na reklamo, maging ito man ay tawag sa telepono, text o impormasyong galing sa kanilang mga impormante.

Maigting din ang kanyang ibinigay na direktiba sa kanyang mga tauhan na tiktikan ang mga taong may kinakaharap na mabibigat na kaso na nagresulta sa pagkakadakip sa mga taong nagtatago sa batas na karamihan ay kabilang sa Top 1 hanggang Top 10 Most Wanted Persons, pati na rin ang pagkakakumpiska sa napakaraming loose firearms o hindi lisensiyadong armas.

Hindi rin nakaligtas sa kamay ng batas sa ilalim ng pamumuno ni BGen. Macaraeg maging ang pinuno ng Communist Terrorist Group na si Jefred Flores, na nadakip sa Makati City noong Oktubre 28 ng taong 2021, pati na rin ang ilang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG), kabilang na rito si Hajar Binadbul Mubina na nagtago ng ilang dekada sa Malaysia bago siya nadakip nito lamang Hulyo 8, 2022 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa pagpasok ng bagong pinuno ng SPD sa katauhan ni P/Col. Kirby John Kraft, umaasa ang mga mamamayan ng mga lungsod ng Makati, Pasay, Las Pinas, Paranaque, Taguig, Muntinlupa at bayan ng Pateros na mapapantayan, kung hindi man mahigitan ng opisyal, ang naging performance ni BGen. Macaraeg.

DPWH, KINALAMPAG NI MAYOR EMI CALIXTO-RUBIANO

KINALAMPAG na ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay sa ipinangakong pagkukumpuni sa lubak-lubak na lansangan ng Libertad at F.B. Harrison na kabilang sa pambansang lansangan.

Paliwanag ng alkalde, siya ang napupulaan ng mga motoristang dumaraan sa naturang kalye na kabilang sa national road sa pag-aakalang hindi niya tinutugunan ang hinaing ng mga motorista.

Sabi ni Mayor Emi, nangako na sa kanya ang DPWH na kukumpunihin ang mga malalaking butas at lubak sa mga pangunahing kalye sa Pasay City kaya’t umaasa siyang mapasisimulan na rin ito ng naturang ahensiya.

Kung sabagay, hindi lang naman sa mga pangunahing kalye sa Pasay may malalalim na lubak ngayong panahon tag-ulan kundi sa malalaking lansangan sa Metro Manila pero sabi ng DPWH, hindi kaagad nila matugunan ang pagkukumpuni dahil panay ang buhos ng malakas na ulan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com

AUTHOR PROFILE