Isko

Job fair isinagawa sa Maynila

May 25, 2022 Edd Reyes 361 views

MULING isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ang isang “job fair” na naglalayong mapagkalooban ng marangal ng hanapbuhay ang mga Manileño araw ng Miyerkules sa Ermita, Maynila.

Sinabi ni Mayor Isko Moreno Domagoso na inorganisa nila ang job fair sa ilalim ng pamamahala ng Public Employment Service Office (PESO) upang magkaroon pang muli ng pagkakataon ang mamamayan ng lungsod na makahanap ng trabaho na makakatulong para mapabuti ang kalagayan ng kanilang pamilya.

Mahigit sa 300 bakanteng posisyon ang puwedeng aplayan ng mga naghahanap ng trabaho na ginanap sa ikalawang palapag ng Park and Ride Building sa Plaza Lawton, Ermita, Maynila.

Kabilang sa mga kompanya at employment services ng lumahok sa naturang job fair ang Elite Jinzai, Active Signs International Corp., Smart Job Management and Employment Service, TKL, Savemore, 7Star, Klap Manpower, at Ace Hardware.

Ilan naman sa mga posisyon na ini-alok ng mga lumahok na kompanya at manpower services ang sales assistant, treasury assistant, accounting assistant, store manager, supervisor, clerk, accounting staff, bookkeeper, bar coder, letter sorter, quarry personnel, driver, warehouse men, backhoe driver, helper, bagger at iba pang propesyonal at bokasyonal na trabaho.

Ang job fair ay regular na isinasagawa sa Maynila batay sa inisyatiba ni Mayor Isko na suportado naman ni Vice Mayor at ngayon ay Mayor-elect Honey Lacuna-Pangan na kabilang sa kanilang tinutupad na pangako na makalikha ng maraming trabaho na puwedeng pasukan ng mga Manileño. Ni Edd Reyes

AUTHOR PROFILE