Lacuna Si Manila Mayor Maria Sheila ‘Honey’ Lacuna-Pangan (kaliwa) kasama ang 2022 Dangal ng Bayan awardee na si Dr. Merle D. Sacdalan-Faustino, director ng Justice Jose Abad Santos General Hospital-Manila. Kuha ni Jon-jon Reyes

JJASGH director pinarangalan bilang 2022 Dangal ng Bayan Awardee

July 20, 2022 Edd Reyes 342 views

SA pakikipag-ugnayan sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila, ang Civil Service Commission (CSC) ay iginawad ang “2022 Dangal ng Bayan Award” sa director ng pampublikong pagamutang Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH) sa Maynila.

Mismong si Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan ang nag-abot ng parangal na iginawad ng CSC National Capital Region (NCR) kay Dr. Merle D. Sacdalan-Faustino, ang director ng naturang pagamutan bilang regional winner sa 2022 Outstanding Government Workers, makaraan sa ginanap na pagpupugay ng watawat noong araw ng Lunes, Hulyo 18, 2022.

Naungusan ni Dr. Faustino ang may 55 kalahok sa “Outstanding Public Officials and Employees” o ang “Dangal ng Bayan Award” para sa kategoryang pagkakaroon ng katangi-tangi at magandang pag-uugali sa kanyang pagganap sa tungkulin at pagkakaloob ng serbisyo-publiko dahil nakita sa kanya ang mga pamantayan ng pag-uugali tulad ng pagiging propesyunal, makatarungan at katapatan, hindi namumulitika, madaling lapitan ng publiko, makabayan, may paninindigan sa demokrasya at simpleng pamumuhay.

“Isa lamang po itong patunay na tayo pong mga kawani sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila ay kayang-kaya na magawaran ng Dangal ng Bayan for Exemplenary Conduct ng Civil Service Commission,” pahayag ni Mayor Lacuna-Pangan.

Batay sa kanilang mandato sa ilalim ng Saligang Batas, ang CSC ay may kapangyarihang magsagawa ng taunang “Search for Outstanding Public Officials and Employees” upang kilalanin ang kanilang katangi-tanging nagawa sa kanilang pagkakaloob ng serbisyo publiko.

Ang mga napipiling pagkalooban ng Dangal ng Bayan Award ay tumatanggap ng premyong P200,000 at tropeong idinisenyo ng Pambansang Alagad ng Sining (National Artist) para sa eskultura na si Napoleon V. Abueva.

AUTHOR PROFILE