Jinggoy

Jinggoy suportado dagdag sahod sa iba’t ibang rehiyon

March 21, 2022 People's Tonight 189 views

SUPORTADO ni dating Senador Jinggoy Estrada ang dagdag pasahod sa mga manggagawa sa iba’t ibang rehiyon ng bansa bunsod ng tumataas na presyo ng gasolina at bilihin.

Kinatigan ni Estrada ang isasampang petisyon ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa dagdag pasahod na ‘di bababa sa P200 kada araw. Aniya, matagal nang kulang ang kinikita ng mga mangagawang Pinoy at ngayo’y lalo itong hindi sapat dahil sa pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Bukod sa Kamaynilaan, maghahain ng petisyon ang TUCP upang maiangat ang sahod sa Central Luzon, Central Visayas, Northern Mindanao, Calabarzon, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon at Davao region.

“Gipit na nga dahil sa pandemya, lalo pang nagigipit ang mga Pinoy dahil kulang na kulang ang sahod na naiuuwi ng padre de pamilya. Upang maiwasan ang malakawang pagkagutom, napapanahon nang dagdagan ang sahod ng mga manggagawa,” diin ng pambatong senador ng Pwersa ng Masang Pilipino.

Aniya, mabigat ang naging epekto sa presyo ng langis ang paglusob ng Russia sa Ukraine. Malaki kasi ang kontribusyon ng dalawang bansa sa suplay ng langis at maging pagkain sa mundo.

Ayon kay Estrada, dapat bilisan ng National Wages and Productivity Commission ang pag-aaral sa dagdag na sahod. “Hindi makatwirang pagtagalin ang desisyon ukol sa pagtaas ng sahod dahil maraming Pinoy ang magugutom. Dapat ding balansehin ang pag-aangat ng minimum wage sa kakayahan ng mga kumpanyang bayaran ang kanilang mga manggagawa sa gitna ng mahinang negosyo dulot ng COVID-19 pandemic,” diin niya.

Tumatakbong muli bilang senador sa ilalim ng UniTeam Alliance, si Estrada ay nagsilbi bilang chairman ng Senate labor committee noong siya ay nasa Senado.

AUTHOR PROFILE