Jinggoy

Jinggoy isusulong unemployment insurance

April 4, 2022 People's Tonight 272 views

UPANG matulungan ang libu-libong manggagawang nawawalan ng trabaho dahil sa pandemya o kalamidad, sinabi ni dating Senador Jinggoy Estrada na isusulong nya ang tinatawag na unemployment insurance sakaling makabalik sa Senado.

Tumatakbo bilang senador sa ilalim ng UniTeam Alliance, sinabi ni Estrada na kailangan ang unemployment insurance upang may mabalingan ang mga Pinoy na biglang natatanggal sa trabaho.

Ani Estrada, libu-libong maliliit na negosyo ang nagsara dahil sa pandemya. At dahil malabo nang magbukas muli ang karamihan sa kanila, dapat tulungan ng pamahalaan ang mga biglang nawalan ng pagkakakitaan, aniya.

Bukod sa Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS) at Overseas Workers Welfare Authority (OWWA), halos wala nang mapuntahan ang mga na-lay off sa kanilang trabaho.

“Kung hindi pautang, ang maaring makuha lang nila ay SSS loan o kaya’y maliit na tulong pinansyal na kailangan din nilang bayaran. Ang aking panukala ay maglaan ng pondo ang pamahalaan upang madagdagan ang benepisyong makukuha ng mga male-lay off sa trabaho,” ani Estrada

Dahil ito’y insurance, mayroon pa ring maliit na premium ang mga manggagawa. Dadagdagan lang ito ng pamahalaan upang mas mahaba ang kanilang panahon sa muling paghahanap ng bagong trabaho, paliwanag ng beteranong mambabatas.

Ayon sa pangulo ng Pwersa ng Masang Pilipino, ang unemployment insurance ay matagal nang ginagawa sa ibang bansa. Karaniwan itong tumatagal ng anim na buwan upang may sapat na palugit ang manggagawang makahanap muli ng pagkakakitaan.

AUTHOR PROFILE