Jinggoy

Jinggoy inilalaban mas malawak na internet access

April 22, 2022 People's Tonight 92 views

SAKALING muling mahalal bilang Senador sa darating na Mayo, ipaglalaban ni dating Senador Jinggoy Estrada ang mas malawak na internet access para sa mga Pinoy lalo na ang mga manggagawa at mahihirap na mag-aaral.

Ginawa ni Estrada ang pahayag matapos mapag-alaman na ang mga Pilipino ay maituturing na “internet poor” batay sa 2022 World Data Labs Internet Poverty Index. Ayon sa survey ng grupong naka-base sa Austria, pang 38 ang Pilipinas kung saan ang mga mamamayan ay walang kakayahang bumili ng kahit 1-GB mobile Internet load kada buwan.

“Sa kritikal na panahong ito ng pandemya, kailangang-kailangan ng mga Pinoy ang Internet connection lalo na ang mga empleyadong nagwo work-from-home at mga mag-aaral na nag-o-online learning. Sa kasamaang palad, tinatayang 58-milyon o kalahati pala ng populasyon ng bansa ang walang kakayahang makakuha kahit ng pinaka-basic at pinakamurang internet service,” diin niya.

Dahil dito, nangako si Estrada na kanyang isusulong pagbalik sa Senado ang subsidiya o suporta para magkaroon ng internet connection ang mahihirap na Pilipino. Aniya, prayoridad ang mga manggagawa at mga batang mag-aaral.

Kasabay nito, ipaglalaban ni Estrada ang agarang pagtatayo ng national broadband system upang mapadali ang koneksyon ng mga ahensiya ng pamahalaan at mabigyan ng internet access ang mga liblib na lugar.

Ayon sa beteranong mambabatas, nakakalungkot isipin na bagamat ang mga Pinoy ay kabilang sa mga technology savvy o pinakamagaling sa teknolohiya sa mundo, kakaunti lamang ang may access sa internet sa bansa.

Dagdag pa ng pangulo ng Pwersa ng Masang Pilipino, mas masahol pa ang situwasyon kung susuriin sa household level. Batay sa 2020 National ICT Household Survey, sinabi ni Estrada na halos 85 percent o walo sa bawat sampung households sa Pilipinas ang walang Internet connection.

AUTHOR PROFILE