Jillian at Michael ibabalik ang kilig sa primetime TV
SINA Jillian Ward at Michael Sager ang bagong tambalan na magpapakilig sa primetime sa bagong Kapuso regional rom-com na “My Ilonggo Girl.”
Bale ito ang pagbabalik-primetime ng tinaguriang Kapuso teleserye royalty matapos ang matagumpay na afternoon dramang “Abot Kamay na Pangarap” na tumagal ng dalawang taon. Ito rin ang kauna-unahan niyang proyekto para sa GMA Public Affairs.
Napaka-challenging nga ng proyekto para kay Jillian dahil dalawang karakter ang gagampanan niya sa serye bilang Tata/Venice.
Si Tata ay isang Ilongga mula sa probinsya habang si Venice naman ay isang glamorosang aktres.
Ang Kapuso primetime heartthrob namang si Michael ay gaganap sa papel ni Francis, isang matagumpay na batang negosyante na sobra ang pagmamahal para sa pamilya.
Sey ni Jillian, “I feel so blessed and happy kasi 15 years na ako sa industry pero grabe pa rin ‘yung tiwala sa akin ng GMA, and first time kong magkakaroon ng teleserye with GMA Public Affairs. Nae-excite ako kasi ibang-iba siya sa mga nagawa ko na at marami akong natutunan na bago.”
Patuloy ng aktres, “First time kong magkontrabida talaga tapos dalawa pa ‘yung characters ko. First time ko ring magka-character na galing province kasi mostly ang mga character ko taga-Maynila. Ibang Jillian ang makikita nila dahil mayroong dalawang Jillian sa show na magkaibang-magkaiba. Ang role ko rin po rito, something fresh and light, pampagaan ng gabi bago matulog ang mga tao.”
Base sa trailer na ipinanood sa katatapos na mediacon, makikita mong may pagka-K-drama feel ang datingan ng serye na Pinoy pa rin ang flavor.
Mukhang kumportable rin sina Jillian at Michael sa isa’t isa dahil habang magkatabing nanonood ay panay ang bulungan at tawanan.
Anyway, makakasama ng dalawa sa “My Ilonggo Girl” sina Teresa Loyzaga, Arra San Agustin, Lianne Valentin, Empoy Marquez, Andrea del Rosario, Arlene Muhlach at marami pang iba.
Mula sa direksyon ni Rado Peru, magsisimula itong mapanood sa January 13, Lunes hanggang Huwebes, 9:35 p.m., sa Kapuso network.
Mapapanood din ito sa GMA Pinoy TV.