Jessy

Jessy umaming muntik hiwalayan si Luis

September 9, 2024 Vinia Vivar 266 views

Inamin ni Jessy Mendiola na muntik na niyang hiwalayan ang mister na si Luiz Manzano noong one year pa lang silang kasal.

Naglaro ang mag-asawa ng Truth or Dare Challenge sa vlog ni Jessy Mendiola at isa sa mga tanong ay kung may time ba na muntik na nilang hiwalayan ang isa’t isa.

Natawa si Jessy at ikinuwento na ang nangyari.

“’Yun ‘yung time na ano, may mga tao sa paligid niya na talagang hindi okay,” simula ng aktres.

Singit naman ni Luis, “Nasama ako sa issue.”

“Kakasal lang namin nu’n actually. Mga 1 year pa lang tayong kasal nu’n, ‘di ba?” sey naman ni Jessy.

Kwento pa niya, inaway-away siya agad ng taong ‘yun a day after ikasal sila ni Luis.

“Kaya pala siya galit na galit sa ‘kin kasi may itinatago pala siyang sikreto na karumal-dumal. Wow, ang lalim! Na malala. So, du’n ko naamoy na parang may something ‘tong taong ‘to. Bakit parang galit na galit siya nu’ng kinasal kami,” tsika ni Jessy.

Bale dalawang tao raw ‘yun na kaibigan at kababata ni Luis na naramdaman niya talagang hindi makakabuti para sa mister.

Sinabi raw niya kay Luis ang nararamdaman niya about these people pero sa kanya pa raw nagalit ang asawa at pilit na ipinagtatanggol ang dalawang kaibigan.

“Nanghihingi na rin siya ng anak sa ‘kin nun’g time na ‘yun, tapos sabi ko sa kanya, ‘no, hindi ka ready (na) maging tatay kasi either piliin mo ‘yung pamilya mo or sige, piliin mo ‘yung mga kaibigan mo na hindi ok para sa ‘yo,’” pagbabahagi pa ni Jessy.

Ang ending, nagdesisyon na siyang hiwalayan si Luis at nagsabi na siya sa ina nitong si Vilma Santos.

“Nagpaalam na talaga ako kay Momskie (Ate Vi) nu’n. Sabi ko, ‘momskie, hindi ko na po talaga kaya. Mahal ko po kayo pero hindi na po ako pinapakinggan ng asawa ko,’” pagtatapat ng aktres.

Good thing, bago natuluyan ang kanilang paghihiwalay ay naliwanagan sa katotohanan si Luis.

“After a few days, nu’ng nagpapaalam na ako kay Momskie, nagising siya sa katotohanan. It wasn’t easy. Gradual na nangyari na nakakalas siya sa mga taong ‘yun,” ani Jessy.

Hanggang sa lumabas na ang totoo na tama ang kanyang pakiramdam na hindi okay ang mga taong ‘yun.

“Marami ring nawala kay Howhow (Luis), marami ring nasira,” she said.

“Talagang ang bigat sa pakiramdam. ‘Yun ‘yung feeling na may pinagdadaanan ‘yung asawa mo, tapos talagang ‘yung pamilya mo, talagang nagulo.

“Yeah, ‘yung feeling parang gusto mo na lang talagang iwan, pero ‘oo nga pala, kasal tayo, hindi tayo basta-bastang pwedeng maghiwalay,’” pagre-recall ni Jessy sa pinagdaanan nilang problema.
Pero nagpapasalamat pa rin naman ang aktres dahil mas lalo naging matatag ang relasyon nila after that.

“So I guess, ginawa yun ni Lord para mas mapalakas yung relationship namin sa isa’t-isa,” sey ni Jessy kay Luis.

Habang nagkukuwento ang aktres ay tahimik lang si Lucky na nakikinig, which means agree siya sa lahat ng sinabi ng wifey niya.

AUTHOR PROFILE