
Jerald tatlong beses nabigo kay Kim
TATLONG beses naudlot ang planned proposal ng singer, dancer, actor-comedian at entrepreneur na si Jerald Napoles sa kanyang fiancée na ngayon, ang singer, actress-comedienne at entrepreneur na si Kim Molina bago natuloy ang kanilang engagement nung nakaraang August 11, 2024. Naganap ito sa PETA Theater kung saan sila unang nagkakilala nung 2014 with Kim Torres as events organizer habang si Gideon Hermosa naman ang events stylist.
Maurirat na tao si Kim at madali itong makaamoy kapag may sorpresang inihahanda para sa kanya si Jerald.
Originally, sa Grand Canal in Venice, Italy on their anniversary date (July 11) unang balak ni Jerald mag-propose kay Kim pero hindi ito natuloy dahil sa visa problem kaya binalak ng actor-comedian na ito’y i-push back ng December sa kanilang winter vacation in Europe dahil hindi pa nakaka-experience ng show si Kim. Again, hindi rin ito natuloy dahil nag-extend ang kanilang dating weekly sitcom sa TV5, ang “A-Team”.
Sa ikatlong pagkakataon ay muling nag-plano ang singer, actor-comedian na ito’y itaon sa concert ng Coldplay sa Bangkok, Thailand nung isang taon.
Paborito nila pareho ang British popular group na Coldplay at isa sa mga paborito nilang kanta ng grupo ay ang “Sky Full of Stars”.
Wala silang ibang kasama. Si Jerald ang bumili ng kanilang tickets at yung pinakamahal (near the stage) ang kinuha niya. Plano ni Jerald na mag-propose kapag kakantahin na ng Cold-lay ang paborito nilang kanta, ang “Sky Full of Stars” at nasa bulsa na niya ang ring na inihanda niya one year and half years ago pero parating nauudlot. But this time, handang-handa na siya (Jerald) sa gagawin niyang surprise wedding proposal sa kasintahan. But three hours bago kantahin ng grupo ang kanilang favorite song ay sumakit ang tiyan ni Kim at kailangan niyang magpunta sa toilet.
Dahil tila nahihirapan na si Kim ay lumabas sila ng stadium kung saan naroon ang CR habang sobra namang disappointed ang singer, actor-comedian na si Jerald dahil hindi na naman matutuloy ang matagal niyang plinanong proposal sa kasintahan. Nang kantahin ng Coldplay ang “Sky Full of Stars” ay nagbagsakan na ang confettis with matching fireworks. Ito `yung moment na hinihintay sana ni Jerald pero lumagpas na naman dahil sa pagkasira ng tiyan ng girlfriend.
Nang matapos gumamit ng toilet si Kim, nakita niya ang kasintahan na maginhawa na ang pakiramdam pero naiyak umano siya out of disappointment and frustration dahil hindi natuloy ang kanyang plano. Nang matapos ang concert, kulang na lamang maglasing si Jerald sa sobra niyang frustration pero hindi niya ito puwedeng sabihin kay Kim.
Nung July 22, 2024 ay 10th anniversary nila at wala umano siyang maisip na decade celebration nilang magkasintahan at dito niya naisip tawagan ang events organizer na si Kim Torres if she can plan out a proposal on August 11, 2024 but they had only 10 days to prepare. Pero in-assure ni Kim (Torres) na kaya niya ito i-pull off.
Sa pamamagitan ng Telegram ay constant ang coordination nina Jerald at Kim Torres for the preparation. At nang dumating ang araw ng August 11, nag-usap ang actor-comedian at ang event organizer na ilalabas ni Jerald ang kasintahan for dinner at pagkatapos nito ay saka sila tutuloy ng PETA Theater kung saan gaganapin ang proposal. Very significant kay Jerald ang nasabing venue dahil dito sila unang nagkakilala ni Kim.
Niyakag ni Jerald si Kim na magdi-dinner sila sa Manila House in BGC, Taguig City. Madalas si Kim sa nasabing lugar dahil doon umano siya nakikipag-meeting sa dati niyang mga business partners. Ang siste, maaga silang natapos ng dinner at nang mag-text ang actor kay Kim Torres ay hindi pa umano handa ang lugar at tinatapos pa nila kaya kailangan nitong i-delay ang pagpunta nila sa venue.
Dahil medyo inaantok na si Kim, nagyakag na itong umuwi at magtanggal ng kanyang make-up. Ang ginawa ni Jerald, nagdahilan siya sa kanyang GF na may pictorial umano silang dalawa ng 10 p.m. bilang regalo ng kanyang kaibigan. Takang-taka siyempre si Kim dahil sobra namang late ang pictorial at bakit ngayon lang ito sinabi sa kanya.
Gumawa ulit ng alibi si Jerald at sinabi kay Kim na ito lamang daw ang availability ng kanyang photographer friend na paalis patungong Amerika pati ang venue. Dito ay nakumbinsi ng actor ang kasintahan pero may kasamang galit dahil bukod sa late na ay biglaan ang kanilang `pictorial’ at hindi agad nasabi sa kanya nang mas maaga para preparado siya.
Nang tumapat ang dalawa sa PETA, nilapitan agad ang dalawa at magkahiwalay silang dinala sa magkaibigan direction. Manghang-mangha si Kim sa kanyang nakita. Ang entablado ay punumpuno ng sun flower arrangement at may nakita siyang boat (ng “Rak of Aegis”) sa second floor naman ay nakita niya ang mga taong nakaputi. Since hindi pa fully-lighted ang lugar, medyo natakot si Kim but at the same time ay kakaiba ang kanyang nararamdaman.
Since curious siya sa paligid, napabaling siya sa isang lugar kung saan niya nakita ang backdrop na may nakasulat na “Will you marry me?” Sa kalituhan hindi ito natakpan ng black backing kaya lalong kinabahan si Kim.
When she was ushered papuntang stage, hindi na niya ma-contain ang pag-iyak nang makita niya ang replica ng “Rak of Aegis” boat at maya-maya lamang ay lumabas na si Jerald in his “Rak of Aegis” stripe t-shirt sabay luhod sa harap ni Kim na bitbit ang engagement ring. Dito ay bumuhos na ang iyak ng singer, actress-comedienne at nag-iyakan na rin ang halos lahat ng mga dumalo including Jerald’s mom and a cousin, Kim’s younger brother at malalapit nilang mga kaibigan kung saan kabilang ang actress na si Dimples Romana at TV and film director na si Irene Villamor na siyang nag-direct ng first movie ni Kim, ang “Camp Sawi” (under Viva Films kasama sina Bela Padilla, Andi Eigenmann, Yassi Pressman at Arci Munoz). Bitbit naman ni Dimples and kanyang mobile phone kung saan naka-video call ang Saudi-based parents ni Kim.
“Kulang na lamang akong himatayin,” kuwento ni Kim sa sobrang excitement dahil dumating na rin finally ang pinakahihintay-hintay niyang moment.
Two days before the engagement night ay unang nag-propose ang singer-actor-comedian sa parents ni Kim na nasa Saudi Arabia. Sa pamamagitan ng isang video call, ipinakita ni Jerald ang singsing sa loob ng box at dito ay halos maiyak din ang mga magulang ni Kim.
“Ramdam naman namin na mangyayayari ito,” pahayag ng dentist father ni Kim.
“Alagaan mo siya (Kim) tulad ng pag-aalaga namin sa kanya,” dagdag bilin pa ng ama ng singer-actress-comedienne.
“Sa simula pa lamang ng relasyon niyong dalawa ay itinuring ka na namin bilang kapamilya,” patuloy ng ama ni Kim.
Through the years ng relasyon nina Kim at Jerald ay naging malapit na ang actor sa mga magulang at mga kapatid ng singer-actress.
Sa sampung taon nilang relasyon, apat dito ay dating lang sila pero wala pa umano silang commitment sa isa’t isa. Kaya officially ay six years pa lamang ang kanilang relasyon.
“Yung four years nasa `landian’ mode lang kami,” pagtatapat ni Jerald.
Pero pagkalipas ng apat na taon ay doon lamang umano nila na-realize na gusto pala nila talaga ang isa’t isa so they finally made it official.
Bago naging official ang kanilang relasyon ay nagi-entertain noon si Kim ng ibang suitors habang si Jerald naman ay nagi-enjoy sa kanyang pagiging single and seeing other girls at ito’y kanilang ikukuwento sa isa’t isa. At that time ay para lamang silang the best of friends. Nagkakasabihan sila sa kanyang mga personal na buhay. Kapag nagkukuwento ang actor tungkol sa pakikipag-date nito sa ibang babae ay lihim na nasasaktan si Kim gayundin si Jerald kapag nagkukuwento naman ang singer-actress sa kanyang mga manliligaw.
Since hindi pa nila mailabas ang kanilang mga saloobin para sa isa’t iba, nagkahiwalay sila pero ang break-up na `yon ay tumagal lamang ng tatlong buwan dahil doon umano nila na-realize na ayaw nilang mawala ang isa’t isa. “Magkapareho kami ng wavelength ni Kim,” pag-amin ni Jerald.
“Ang kaibahan lang namin, mas makulit siya (Kim),” natatawa nitong pahayag.
Eight years ang age gap nina Kim (33) at Jerald (42) pero wala umano itong problema sa kanilang dalawa.
Ngayong engaged na ang dalawa, pinaghahandaan na umano nila ang kanilang wedding na nakatakdang mangyari sa isang taon (not this year).
“Alam namin na matagal na silang naghihintay na kami’y ikasal kaya gusto namin itong paghandaan,” pahayag naman ni Kim.
Samantala, ang engaged couple ay may bagong movie under Viva Films, ang “Un-Ex You” na pinamahalaan ni RC de los Reyes na showing na sa mga sinehan ngayong April 9.
SUBSCRIBE, like, SHARE and press the bell icon of “TicTALK with Aster Amoyo” and “INSIDE SHOWBIZ with Aster Amoyo” on my YouTube channel. Follow me on Instagram and Facebook@asteramoyo and X@aster-amoyo.