Jeepney driver binaril sa ulo ng RIT sa QC, dedo

July 11, 2021 Melnie Ragasa-limena 381 views

PATAY ang isang jeepney driver makaraang malapitang barilin sa ulo ng ‘riding-in-tandem’ sa Barangay Gulod, Novaliches, Quezon City, nitong Linggo ng madaling araw.

Ang biktima ay nakilalang si Jessie Medina Rivera Jr., 40, may live-in partner, at residente ng No 4 San Luis Street, Barangay Gulod, Novaliches Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-4:50 ng madaling araw (July 11) ng maganap ang pamamaril sa kahabaan ng Quirino Highway kanto ng Villareal St., Barangay Gulod, Novaliches, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni Pat. Nestor V Ariz, Jr., sinabi umano ng testigong nakilalang si Feliciano, nagpaparada umano siya ng sasakyan ng makarinig ng putok ng baril at nang kaniyang usisain ay nakita niya ang nakabulagtang duguang biktima.

Kasabay nito ay nakita umano ni Feliciano ang dalawang lalaki na magka-angkas sa motorsiklo na walang plaka, nakasuot ng face mask at sporty cap na armado ng baril ang mabilis na tumakas.

Nasamsam sa crime scene ng SOCO sa pamumuno ni PLt. Reynold Tabada ang isang motorcycle kneepad protective gear at isang public utility jeepney na may plakang PWY 938.

Masusi nang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa naganap na krimen.