Default Thumbnail

Jeep inararo ng truck; drivers sugatan

September 6, 2023 Jonjon Reyes 217 views

KAPUWA isinugod sa pagamutan ang driver ng trailer truck at ang tsuper ng jeep, makaraang magkabanggaan sa northbound lane ng Mel Lopez Boulevard sa panulukan ng Moriones Street, Tondo, Manila, Martes ng hapon.

Dahil sa lakas ng impact, tumilapon palabas ang tsuper ng jeep na si Manuelito Bartolome kaya isinugod ito sa Gat Andres Bonifacio Medical Center, habang si Marcial Rosadiño, driver ng trailer truck, ay isinugod naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center.

Base sa ulat na isinumite ni Police Staff Sargent John Patrick Caraunguian kay Police Major Jaime Gonzales, hepe ng Investigation ng Manila District Traffic Enforcement Unit, bandang 1:45 ng hapon nang maganap ang insidente sa nasabing lugar.

Lumitaw sa pagsisiyasat ng pulisya na tinatahak ni Rosadiño sakay ng minamanehong truck na may plakang RHG 917 ang northbound lane ng Mel Lopez Boulevard na dating Road 10.

Subalit tinumbok nito ang kanang bahagi ng jeep na may plakang TXY 350 hanggang sa sumalpok sa poste ang truck at nadamay pa ang isang bahay, ngunit naiulat na wala namang nasaktan.

Sapul naman sa CCTV ng Barangay 123 sa ilalim ni Punong Barangay Mario Banal kung papaano sinalpok ng trailer truck ang pampasaherong jeep.

Dahil dito, kapuwa sugatan at inoobserbahan sa magkahiwalay na ospital ang dalawa.

Gayunman, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya.

AUTHOR PROFILE