JC at Rhian walang ilangan sa pagbabalik-tambalan
Balik-tambalan sina JC de Vera at Rhian Ramos sa pelikulang “Huwag Mo ‘Kong Iwan” mula sa direksyon ni Joel Lamangan under Bentria Productions.
Humarap si JC kahapon sa isang pocket interview at super happy ang aktor dahil naging napakaganda sa kanya ng taong 2024.
Bukod sa may bago siyang pelikula, kapipirma lang niya ulit ng kontrata sa ABS-CBN at ang isa pang napakagandang blessing na dumating sa kanya ay ang pagdadalangtao ng kanyang misis sa kanilang ika-tatlong anak.
“So much blessings. ‘Yung pagkakaroon ng third child, maraming dinadalang blessings, kasama ‘yung contract signing. ‘Pag contract-signing, alam ko talaga, there’s so much opportunities na darating. Tapos, sinuklian kaagad ‘yun, binigyan kaagad ako ng isang teleserye, ‘yung ‘Nobody.’
“Yeah, I’m truly blessed right now. Maganda ‘yung tinatakbo ng pamilya, everyone’s healthy, everyone’s doing well, happy ‘yung kids ko,” sabi ni JC.
Pangalawang pagsasama na umano nila ni Rhian ang ‘Huwag Mo Kong Iwan’ dahil nagkatrabaho na sila sa isang teleserye noong nasa GMA-7 pa siya.
“Ginawa namin ‘yung ‘La Lola,’ magandang series ‘yun at mahaba. That was 2008, medyo matagal na,” aniya.
Dahil nga si Rhian ang leading lady niya, muling naungkat ng press kay JC ang pagkaka-link nila before at inamin ng aktor na medyo nagdate-date sila noon.
“Kasi siyempre, during that time, lahat ng nagkakapartner do’n parang nagkakaintriga na nagliligawan, nagiging sila, kasi sweet sila, ganyan. Pero come on, matured na tayo lahat dito, eh.
“Teenagers pa kami no’n. She has her own boyfriend right now and I have my own family right now,” sey ni JC.
Wala naman silang naging ilangan ni Rhian sa muli nilang pagtatrabaho.
“Maayos naming nagawa ‘yung trabaho namin, walang ilangan. Very comfortable pa rin. Professionally, natapos namin ‘yung mabibigat na eksena namin na hindi kami nagkaroon ng maraming takes,” tsika ni JC.
Ipalalabas na sa Nov. 27 ang “Huwag Mo Kong Iwan” at kasama rin nila rito si Tom Rodriguez.
Excited na rin si JC sa upcoming TV series niya na “Nobody” kung saan ay makakasama niya si Gerald Anderson. Hindi pa niya pwedeng sabihin kung ano ang kanyang role pero sinigurado niya na good guy siya rito at kakaibang JC ang mapapanood ng viewers.
“Externally, may magbabago sa akin, mayroon tayong papalitan sa hair, so something to look forward to,” excited niyang wika.
Sa kanyang muling pagpirma ng two-year contract sa ABS-CBN, sobrang thankful ang aktor sa muling pagtitiwala sa kanya.
“Maraming, maraming salamat talaga sa ABS-CBN for the continued trust, at masayang-masaya ako, truly grateful sa pagpirma ko ulit and exciting moments are coming,” he said.