DMW

Japanese language center isinara ng DMW sa illegal recruitment

August 2, 2024 Jun I. Legaspi 140 views

IPINASARA ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang Japanese language training center sa Baguio City dahil sa pag-aalok ng trabaho sa Japan nang wala namang lisensya mula sa gobyerno.

Ayon kina DMW Undersecretary Bernard Olalia aT Assistant Secretary Francis Ron de Guzman, pinadlock ng mga tauhan ng DMW’s Migrant Workers Protection Bureau (MWPB), katuwang ang Baguio City Police, ang tanggapan ng Institute of Building Foreign Language Inc. (IBFL) sa 11 M. Ponce St., First Road, Quezon Hill Proper, Baguio City.

“The IBFL is neither licensed and authorized by the DMW to recruit and place Filipino workers nor does have any approved job orders to Japan. Ito ay malinaw na illegal recruitment ng ating mga kababayan na nais magtrabaho sa Japan,” saad ni Undersecretary Olalia.

Lumitaw sa surveillance ng MWPB na iligal na nire-recruit ng IBFL ang kanilang Japanese language graduates para maging farmers, caregivers, factory workers at food processing workers sa Japan na may sweldong P80,000 hanggang P100,000 kada buwan.

Isinagawa ang operasyon batay sa reklamo ng isa sa mga graduates ng IBFL na na-recruit at pinagbayad ng P57,000 para sa plane ticket, service fee at visa processing.

Makakasama na sa DMW’s List of Persons and Establishments na may Derogatory Record ang mga opisyal ng IBFL upang maiwasan na makasama pa sila sa overseas recruitment program.

Maghahain din ang DMW ng kasong syndicated illegal recruitment laban sa mga opisyal at empleyado ng training center.

Hinikayat din ng DMW ang iba pang biktima ng IBFL na makipag-ugnayan sa kanila para sa paghahain ng kaso.

AUTHOR PROFILE