Crime

Japanese dedong natagpuan sa condo

July 4, 2023 Jonjon Reyes 498 views

PATAY na nang matagpuan ang isang 74-anyos na Japanese sa kanyang condominium sa Rm 3503 ng Pacific Regency Inc. sa Pablo Ocampo Street, Malate, Manila kahapon.

Ayon sa mga pulis, walang trabaho ang biktima at nanunuluyan sa nasabing unit ng condo.

Batay sa isinumiteng ulat ni Det. John Kevin Zuñiga kay Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-2:00 ng hapon nang madiskubre ang bikitma na wala nang buhay.

Ayon kay Zuñiga, tumawag sa administrator ng naturang condo ang kaibigan ng biktima upang kumustahin ang kalagayan nito.

Ilang beses umanong kinakatok ang pinto ng kwarto ng biktima pero walang sumasagot.

Dahil dito, nagtungo ang kaibigan ng biktima, na isa ring Japanese, sa security guard at nagpatulong na mabuksan ang pinto ng kwarto nito.

Gumamit na ng ibang susi ang security guard para mabuksan ang pinto at doon na nakita na nakahambalang sa pinto ang bangkay ng biktima na walang suot na pang itaas na damit.

Dito na Ipinagbigay alam sa nakakasakop na barangay ang kalagayan ng biktima.

Sumunod na ang mga tauhan ng Forensic Unit upang mag imbestiga. Walang anumang sugat na nakita sa katawan ang biktima.

Pansamantalang nakalagak ang bangkay ng Japanese sa Cruz Funeral Morgue para sa kaukulang awtopsiya bago ipagbigay alam ang insidente sa Japanese Embassy.

AUTHOR PROFILE