Japan, nangakong magbibigay ng mga helicopter sa Pinas

December 19, 2022 Zaida I. Delos Reyes 67 views

NANGAKO ang Japan Ground Self Defense Force (JGSDF) na magbibigay sa ng mga UH-1J utility helicopters na gawa sa kanilang bansa upang lalo pang palakasin ang kakayanan sa disaster response ng Army Aviation Regiment ng Philippine Army (PA).

Ayon kay PA Spokesperson Col. Xerxes Trinidad, ang pagta-transfer ng naturang mga helicopters ay gagawin sa pamamagitan ng government grant.

Aniya, ang donasyon ng UH-1J ay inaasahang matatanggap ng gobyerno sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon.

Malaki aniya ang maitutulong ng utility helicopters sa kakakayanan ng Army Aviation Regiment sa larangan ng humanitarian assistance, disaster response, medical evacuation, transport of personnel and supplies at para na rin sa damage assessment flights sa mga oras ng national emergencies at kalamidad.

Napag-alaman na sa kasalukuyan, ang Army Aviation Regiment ay mayroong lima hanggang anim na aircraft sa kanilang imbentaryo.

Ang pangako ay ginawa sa gitna ng bilateral meetings sa pagitan ng JGSDF at PA sa kauna-unahang Japan-Philippine-US Trilateral Key Leaders Engagements sa Camp Azsaka, Tokyo, Japan noong Disyembre 11.

“The Commanding General, Philippine Army (CGPA) Lt. Gen. Romeo S. Brawner Jr., discussed with JGSDF Chief-of-Staff Gen. Yoshida Yoshihide potential areas of military cooperation to include capability development, training and exercises, as well as defense materiel assistance,” ani Trinidad.

Umaasa naman si Brawner na magiging maayos at mabunga ang partnership ng dalawang bansa.

“As we all know, the Philippines and Japan are within the ‘Pacific Ring of Fire’ and we experience so many disasters every year. By collaborating, all of our Armies will be able to cooperate on ensuring that our people are safe as we face the various calamities that come to our land every year,” pahayag ni Brawner.