Janine naka-bonding ang ex ni Harry Styles
NABIGO man si Janine Gutierrez na makita nang personal ang malalaking Hollywood stars tulad nina Angelina Jolie at Brad Pitt sa katatapos na Venice International Film Festival na ginanap sa Italy, nagkaroon naman siya ng tsansang makita’t makausap ang ex ni Harry Styles na si Taylor Russell.
Isa ito sa mga ikinuwento ng aktres sa media interview recently, kung saan ibinahagi niya ang naging karanasan sa kauna-unahang pagdalo sa prestihiyosong international filmfest para sa pelikula ni Direk Lav Diaz na “Phantosmia.”
Kwento ni Janine, “Ang talagang kinausap ko lang, si Taylor Russell. She’s an actress na nag-jury du’n na ex ni Harry Styles (dating lead vocals ng grupong One Direction).
“I don’t know (kung) silang dalawa. So, nakasalubong ko siya sa lobby, so trinay kong magpa-picture. (Kaso) Hindi, kasi sabi niya ano, pawis na pawis daw siya. Sobrang init kasi! Yeah, American si Taylor Russell.”
Bukod dito, sinagot din ng aktres ang intriga na hindi gaanong nabigyan ng focus ang “Phantosmia” dahil mas pinag-usapan ang pagrampa niya sa red carpet.
Depensa ni Janine, hindi naman niya ginusto sakali mang ganu’n nga ang nangyari.
Paliwanag niya, “Well, for the festival itself, the star naman talaga was the film. So ‘yung reviews, kung ano ‘yung reception ng mga nakanood, I think nagdagdag pa nga sila ng screenings ng ‘Phantosmia’ so I think it had a really good reception. And alam ko na sabi rin nila Direk Lav and Ate Hazel, our producer, may mga iikutan pa siya na festival at magkakaroon din siya ng dito sa aitn. So I think na siyempre, ‘yung star pa rin naman is ‘yung film.”
Dagdag pa niya, “Pero I think also na ‘yung fashion and ‘yung films, they go hand in hand, eh. Kasi ‘yung mga iniidolo ko ring artista like Lady Gaga or ‘yung mga ganyan, they also use din the red carpet publicity para to divert the people. ‘Ah, ano ba ‘tong pelikula niya?’ So I think in a way, to draw attention to the film, ‘yung anumang ipo-promote mo, gagawin mo. And I think na nakatulong din ‘yung mga sinuot ko para ma-curious ‘yung mga tao na ‘ano bang ginagawa ni Janine du’n?’ ‘bakit siya nandu’n?’ ‘ano bang pelikula niya?’ So I hope nagkaganu’n siyang effect.”
Sobra raw nagpapasalamat ang aktres na pumayag siyang damitan ng Pinoy designers na sina Inno Sotto (black gown) at Vania Ramoff (blue).
Giit ni Janine, “Gusto kong ipakita na ang fashion designers natin dito sobrang world class.”