Janine bigong makita sina Brad Pitt at Angelina Jolie
Fresh from Venice, Italy, humarap sa ilang piling entertainment press si Janine Gutierrez kahapon at masaya niyang ikinuwento ang whole experience sa pagdalo sa Venice International Film Festival.
Dumalo ang aktres sa nasabing prestihiyosong international filmfest para sa world premiere ng pelikula niyang “Phantosmia” na idinirehe ni Lav Diaz.
First time ni Janine na dumalo sa Venice International Filmfest at rumampa sa red carpet kaya naman dream come true talaga ito para sa kanya.
Pagtapak pa nga lang daw niya sa airport ay kinikilig na siya.
“Oh, my gosh, para siyang Disneyland, ‘yung pakiramdam ko,” aniya. “Kasi, ‘di ba, susunduin ka ng water taxi. Paglapag sa airport, parang meron nang welcome booth do’n para sa mga attendee ng festival. Sila ‘yung mag-aasikaso sa ‘yo.
“So, ‘yun pa lang, kinikilig na ako kasi Venice Film Festival (ang nakalagay), ‘yung may malaking sign, ganyan,” kwento ni Janine.
“Tapos, dadalhin ka nila sa car. Tapos, from there, sasakay ka ng water taxi. So, ‘yung water taxi pa lang, kilig na kilig ako kasi nakikita ko lang ‘yun sa picture, eh,” dagdag niya.
Masaya pa niyang tsika, “Pagpasok mo do’n sa mga canal, ‘eto pala ‘yung ginagaya ng Disneyland, ‘yun ‘yung pakiramdam. Tapos super naka-smile ako tapos tumatawa-tawa akong mag-isa. Tapos ‘yung mga kasama ko, parang natatawa na sa akin kasi tumatawa akong mag-isa. Sobrang magical ng Venice kasi.”
Sayang nga raw at hindi niya nakita ang ibang Holywood stars na dumalo tulad nina Angelina Jolie at Brad Pitt.
Ang nakita lang daw niya ay si Julianne Moore dahil kasunod niya ito sa red carpet. Kaya naman super happy siya just to be in the same place with them.
Ngayon ay back to work na si Janine sa taping ng serye niya sa ABS-CBN na “Lavender Fields.”
In the future ay gusto pa rin niyang makagawa ng maraming films at magkaroon ng opportunity ulit na makadalo sa international filmfests.