Janice pinagbantaan si Vice: ‘Humanda ka na!’
KINAALIWAN ng netizens ang pabirong pagbabanta ng aktres na si Janice de Belen kay “The Unkabogable Star” Vice Ganda.
Ito ay matapos ang insidenteng hindi napansin umano ni Vice Ganda na kukuha si Janice ng chicharon sa mangkok na hawak niya sa isang segment ng “It’s Showtime” nitong Miyerkules, Agosto 23.
Agad na nag-viral ang video clip na ‘yon na talaga namang pumatok sa netizens.
Sa isang X (Twitter) post, pabirong sinabi ni Janice na ngayong alam na ng mga tao kung sino ang pumatay kay Olivia, dapat nang maghanda ang “It’s Showtime” host.
“At ngayong alam na ng lahat ako ang pumatay kay olivia! Humanda ka na!!!” saad ni Janice.
Ang tinutukoy ni Janice na Olivia ay ang karakter ni Dolly de Leon na pinatay ng kaniyang karakter na si Leona sa katatapos pa lamang na seryeng “Dirty Linen.”
Nauna ring nagpost si Vice sa kanyang X (Twitter) ukol nga sa “chicharon incident” na nangyari. Biro pa nga ng komedyante na natatakot siya sa mga puwedeng gawin ni Leona sa kanya kaya’t nanghingi ng tulong sa netizens.
“Natatakot ako sa mga maaaring gawin sakin ni Leona! Tulungan nyo ko!” ayon sa post ni Vice.
Ilang netizens ang natuwa sa pagsakay ni Janice sa mga biro at pagiging “in character” pa rin.
“Naku, Meme! Pag nakita mong may hawak na unan si Leona, magtago ka na,” komento ni user @bourbonuisque.
“Meme Vice run as fast as you can, baka literal na patigilin ni Leonacakes ang paghinga mo,” biro naman ni user @celiasdump.
“Meme, si Atty. Olga na lang pag asa mo rito para pakalmahin ang Leyon kay Leona!!” saad naman ni user @AshleyBadingg.
“Gustong-gusto pa naman ni Leona yung chicharon tapos ginawa mo, ewan ko lang talaga,” mula kay user @alesorjimenez.
“Meme @vicegandako chicharon as peace offering. Bonggahan mo na yung pagbigay dagdagan mo na ng fruits parang sa offertory sa Misa,” komento pa ni user @marionchito.