Jan-May collection ng BoC angat sa target

June 6, 2021 Vic Reyes 102 views

Vic ReyesSA galit ni Pangulong Rodrigo Duterte ay iniutos na niya ang pag-aresto sa mga pabayang barangay chairman.

Kung tutuusin, maliit lang ang isang barangay, lalo na sa mga probinsiya.

Halos lahat ng tao ay magkakakilala.

Kaya hindi puwedeng hindi alam ng chairman ang nangyayari sa kanyang nasasakupan.

Siguradong alam niya kung mayroong kasal, binyag, sayawan o tupada sa barangay.

“Super spreader” ang mga aktibidad na ito, kaya galit si Pangulong Duterte sa mga pabayang chairman ng barangay.

Hindi talaga matatapos ang pandemya kung hindi tutulong ang lahat.

Ubos na ang pera ng bayan, marami pa ang nagugutom dahil hindi makapagtrabaho ang maliliit na manggagawa.

Hindi puwedeng lagi na lang tayong nakakulong sa bahay.

Tama ka, Mayor Digong. Ipakulong mo lahat ng mga walang disiplinang opisyal ng barangay.

Isama mo na pati mga mayor.

Karamihan kasi sa mga opisyal ng barangay, lalo na ang mga chairman, ay nakadikit sa mga alkalde.

Hindi ba, DILG Usec. Martin Diño?

***

Nagsimula na ang tag-ulan noong Biyernes, Hunyo 4.

Ito ang sinabi ng Pag-asa pagkatapos ng ilang araw na pag-uulan sa maraming lugar sa bansa.

Hindi naman ibig sabihin nito ay mawawala na ang maalinsangang panahon.

Tuloy pa rin ang paggamit natin ng aircon o electric fan.

Pero unti-unti ring lalamig ang panahon dahil nandiyan na nga ang pag-ulan-ulan.

Linisin na natin ang mga pinamumugaran ng mga lamok at daga.

Huwag nating kalimutan na kagat ng lamok at ihi ng daga ang dahilan kung bakit kumakalat ang sakit ng dengue at leptospirosis.

Usong-uso ang dalawang sakit na ito sa panahon ng rainy season.

Parehong nakakatakot ang dalawang sakit na ito.

Ingat lang tayo, lalo na ang mga bata.

***

Nalampasan na naman ng Bureau of Customs ang kanilang collection target noong Mayo.

Ito na ang panlimang sunod na buwan na nahigitan ng BoC ang buwanang assigned tax take.

Ang koleksyon noong Mayo ay umabot ng P49.3 bilyon.

Ito ay lampas ng P3 bilyon sa target nitong P46.2 bilyon.

Mula Enero hanggang Mayo ay nakakolekta na ang BoC ng P249.7 bilyong buwis.

Sa buong taong 2021, dapat makakolekta ang ahensya ng P616.7 bilyon.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:tingnannatin08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE