
Ivana umamin: Ginagawang ‘sugar mama’ ng showbiz dates
Sa ngayon ay ‘dating-dating’ lang si Ivana Alawi at wala pa raw siya talagang serious commitment with any guy. In short, wala pa siyang boyfriend at nag-e-entertain lang siya ng suitors.
Aniya nang makapanayam namin sa thanksgiving party niya for the entertainment press, wala siyang nagugustuhan sa mga nanliligaw sa kanya.
Kung si Ivana ang tatanungin, hangga’t maari ay ayaw niyang magkaroon ng boyfriend mula sa showbiz.
“Hindi talaga ako mahilig sa showbiz. ‘Pag showbiz, hindi talaga kami nagwo-work,” sey ng aktres/content creator.
Bakit ayaw na niya sa mga taga-showbiz?
“Ano ka ba? Nakailang date na ako ng mga showbiz, ginagawa akong mama, sugar mama!” prangka niyang sagot.
“Ako naman, okay ako, split the bill. Pero huwag naman todo-todo na lahat na lang ako,” sambit pa niya.
Isa pang dahilan kung bakit ayaw niya ng artistang BF, “Ayoko ‘yung showbiz na nakikita ko nakikipaglaplapan sa iba, hindi ko kaya. Pero ako puwede, ‘di ba?” sabay-tawa.
“Sana maintindihan niya. Kung pipili siya ng showbiz, kaya niya ako. Kasi ako, ‘yung mga kissing scenes, bed scenes, so dapat ready siya. Ako, hindi ako ready sa kanya. Kaya non-showbiz,” natatawa pang sey ng aktres.
May mga politician din siyang suitor pero ayaw niya rin sa politiko.
“Marami, eh. Iba-iba. Dedma, o kaya pagka ano, dedma. Date na non-showbiz,” aniya.
Simpleng tao lang daw ang gusto niyang maging boyfriend pero handang tumulong sa mga nangangailangan.
“Saka hindi mayabang, saka may puso. ‘Yung same heart, gustong tumulong din and all. Kasi ang hirap na pareho kami tapos magkaiba ‘yung ugali namin. ‘Yung ayaw niyang tumulong at saka wala siyang puso para sa mga Pinoy at sa mga kababayan natin,” paliwanag ni Ivana.
Pero at the age of 30 (she’s 28 now), gusto na niyang mag-asawa at bumuo ng sariling pamilya.
Sa ngayon, wala raw siya talagang time na magkaroon ng serious commitment dahil sa dami ng kanyang ginagawa.