Marcos

“Ituloy ang naudlot na Spillway project

July 23, 2021 People's Tonight 484 views

Upang maibsan ang mga pasakit na dulot ng baha — citizen BBM

MARIING ipinanawagan ni dating Sen. Ferdnand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa gobyerno ang muling pagkonsidera sa naudlot na spillway project ngayong nahaharap na naman sa pagbaha ang buong Kalakhang Maynila sanhi ng sunod- sunod na mga pag-ulan.

Kanyang tinukoy ang naudlot na Paranaque Floodway na inaasahan sanang maging daluyan ng umaapaw na tubig mula sa lawa ng Laguna patungo sa karagatan ng Manila Bay.

Ang nasabing spillway project ay isa sa apat na floodway project noon ng kanyang ama na hindi na itinuloy ng mga sumunod na administrasyon.

Sa kanyang Facebook page ay naalaala ng dating senador na nag-umpisa ang mga pagbaha sa Kalakhang Maynila noon 1970s kaya agad umanong nagkasa ang gobyerno noon ng apat na malalaking daluyan ng tubig patungong Manila bay bilang solusyon sa mga pagbaha sa mga mababang lugar ng kalunsuran.

“Natapos ang unang spillway project noong 1983. Ang pangalawa at pangatlong floodway projects ay natapos noong 1984 at 1985… at ito sanang Paranaque spillway ang pang-apat na naudlot noong 1986 dahil nag-iba na ang gobyerno,” pahayag ni BBM.

Pahayag pa ng dating senador: “May mga dati nang proyektong naumpisahan na malamang ay applicable pa laban sa baha… dapat balikan ang mga planong ‘yan lalo na’t may mga teknolohiya ngayong wala noong 1980s.”

Sa kanyang Facebook page ay ipinaalaala ng dating senador na bahagi ng urban planning na ginawa noon ng kanyang ama para sa Kalakhang Maynila ang apat na floodway projects bilang pangmatagalang tugon sana sa mga pagbaha na ang nanguna sa pagbalangkas ng nasabing mga plano ay ang bantog na urban planner na si Jun Palafox.

“Hindi naman siguro tuluyang mawawala ang pagbaha, pero marahil may magagawa tayong paraan upang maibsan ang damage at hirap na dala ng baha sa ating mga kababayan,” pagtatapos na pahayag ng dating senador sa kanyang Facebook page.

AUTHOR PROFILE