AKAP

Isolation, quarantine mahalaga laban sa COVID – medical experts

January 18, 2022 People's Tonight 330 views

SA gitna ng panibagong surge o pagtaas ng kaso ng COVID-19, nagpaalala ang mga eksperto sa publiko na mag-isolate na kaagad kapag nakakaramdam ng kahit anong sintomas ng COVID at mag-quarantine kung may nakasama na nakakaranas ng sintomas.

Sa isang e-talk show na inorganisa ng Alaga sa Kalusugan ng Pamayanan (AKAP), isang community health program ng Unilab, Inc. na ipinalabas sa GMA News Facebook Live nitong Biyernes, katuwang ang Department of Health, Department of Education, CBCP Episcopal Commission on Health Care at iba pang mga partners, pinaalalahanan ng mga medical experts ang publiko na maging armado ng tamang impormasyon, kasama na ang palagiang talakayan sa loob ng pamilya kung paano magiging handa kung sakaling mahawa ang kanilang mga mahal sa buhay.

Sinabi ni Dr. Anna Ong-Lim, isang Infectious Disease Expert, na para maiwasan ang anxiety at pagka-bahala sa panahong ito, mahalagang mayroon tayong tamang kaalaman at impormasyon.

Ani Ong-Lim, imbes na magpanic o mataranta, mas mainam na maging handa ang bawat isa sa pamilya kung ano ang mga nararapat gawin kung merong mga Covid-positive sa kanila.

“Kailangan natin ng mga tao na susuporta at magbabantay sa atin kapag may sakit tayo. Hindi lang pisikal na kalusugan ang inaalagaan natin, kundi pati mental health,” dagdag pa niya.

Sa e-talk na pinamagatang “Tanong ng Bayan: Ano ang gagawin sa gitna ng Omicron surge?” na pinangunahan ng Kapuso host na si Suzi Entrata-Abrera, binigyang diin ang importansya ng pag a-isolate at pag ku-quarantine. “Kapag may nararamdaman ng hindi maganda, mag-mask na agad sa loob ng bahay at mag-isolate, payo ni Dr. Ong-Lim.

Napag-usapan ni Suzi at Dr. Ong-Lim na kapag nakatira sa mga maliliit na bahay katulad ng kondominyum na walang maraming hiwa-hiwalay na kwarto, mahalaga pa rin na dumistansya, magkaroon ng sapat na bentilasyon, at magsuot palagi ng mask sa bahay.

Aniya, ang isolation ay para sa mga tao na mayroon ng nararamdamang sintomas ng COVID, samantalang ang quarantine ay para sa mga may nakasalamuhang COVID-positive na mga tao kahit na wala pa silang sintomas.

Ayon kay Dr. Beverly Ho, Director IV ng Health Promotion Bureau ng Department of Health, mayroong updated working guidelines ang DOH tungkol sa pagpapaiksi ng quarantine at isolation period para sa mga nag-positibo. Magiging pitong araw na isolation lamang para sa mga bakunado, at 10 araw para sa mga partially vaccinated at sa mga hindi pa nabakunahan.

Ang quarantine period naman ng mga bakunado na walang sintomas pero nakahalubilo ng mga positibo sa COVID ay magiging limang araw na lamang imbes na pitong araw. Ngunit kung sila ay hindi pa bakunado, mananatili ang 14 araw na quarantine.

Gayunpaman, pinapayuhan pa rin ang mga na-expose sa mga positibo na ituloy ang pagmomonitor ng mga sintomas hanggang 14 na araw, magsuot ng tama o well-fitting mask at sundin ang minimum public health standards dahil may posibilidad pa din na may lumabas na sintomas pagkatapos ng ika-limang araw.

Ayon kay Dr. Ong-Lim, hindi dapat makampante ang mga tao dahil sa mga balita na hindi malala ang mga symptoms ng Omicron. “‘Huwag nating balewalain kahit anong symptoms; magandang mag-isolate kaagad.”

Ang isang dahilan nito, aniya, ay kung mga batang hindi pa bakunado ang mahawa ay mas mabilis manghina ang mga ito kapag nagkaroon ng simpleng sipon, ubo, o trangkaso.

“Mahirap i-isolate ang bata dahil kailangan ng constant supervision. Even before, ganoon na ang ating rekomendasyon, pag lalapit ka, syempre magma-mask, agaran maghugas ng kamay, at magkaroon ng proper ventilation. Ganoon din sa matatanda,” sabi ni Dr. Ong-Lim.

Dagdag pa ng eksperto, importante rin na laging pag-usapan sa loob ng pamilya ang health protocols at mga dapat gawin kung sakaling may mahahawan ng virus sa kanila. “Epektibo pa rin ang mga home remedies, increase hydration (pag-inom ng tubig), calamans

Binigyang-diin ni Dr. Ho ang kahalagahan ng pagiging armado ng tamang impormasyon, “dahil nakamamatay ang maling impormasyon, at ang tamang impormasyon ay nakapagliligtas ng buhay.”

Si Dr. Jenalyn Mendoza, Officer-in-charge ng City Health Office II ng Biñan, Laguna naman ay nagpaalala kung ano ang mga pwedeng gawin ng tao para matulungan sila ng mga lokal na sangay ng gobyerno o LGU.

“Kilalanin natin ang mga Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) volunteers natin,” sabi ni Dr. Mendoza, “dahil sila ang mga makakatulong sa atin. Kung ikaw ay positive, huwag ng lumabas. Sabihan ang mga kamag-anak o kaibigan at makipag-ugnayan agad sa inyong LGU COVID hotline.”

Ang AKAP Tanong ng Bayan e-talk shows ay naglalayong magbigay ng tama, napapanahon at sapat na impormasyon ang publiko upang makatulong kung paano maiiwasan o haharapin ang Covid-19 infections.

Para mapanood ang nakaraang talakayan, mag log on lamang sa https://www.facebook.com/akapguroconnected/videos/295788025941776 .

AUTHOR PROFILE