Ismagling ng gagamba, huli sa CMEX

September 19, 2021 Vic Reyes 330 views

Vic ReyesMAY pandemya na nga, ismagling pa rin ang inaatupag ng iba.

Ang matindi, pati mga gagamba ay ipinupuslit na rin.

Mabuti na lang at matunog ang mga taga-Bureau of Customs (BOC) sa Port of NAIA.

Hindi umubra ang katarantaduhan ng mga ismagler sa mga tauhan ni Port of NAIA District Collector Mimel S. Manahan-Talusan.

Noong Martes ay nadiskubre ang tatlong packages na naglalaman ng mga gagamba.

Ang mga pakete na galing Poland ay idineklarang naglalaman ng figurines at gamot at naka-consigned sa mga residente ng Pasay, Paranaque at Batangas.

Ang mga gagamba ay nakita sa tatlong magkakahiwalay na pakete sa Central Mail Exchange Center.

Isinalin na ng BoC ang mga gagamba sa sa pangangalaga ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Kakasuhan naman ng DENR ang mga consignee ng paglabag sa CMTA at Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

***

Hindi kagaya ng ibang lingkod bayan, ang mga opisyal at empleyado ng Bureau of Customs (BoC) ay laging “on the go.”

Ang ibig sabihin niyan ay hindi puwedeng hindi gawin ang trabaho kahit may pandemya.

Kailangan ang mabilis at maayos na kilos lalo na sa paglalabas ng mga bakuna.

Alam naman natin na patuloy ang pagtaas ng kaso ng hawahan ng COVID-19.

Kapag naantala kasi ang paglalabas ng mga gamot, bakuna at iba pang medical supplies ay hindi lang si Pangulong Rody Duterte ang magagalit.

Pati ang sambayanang Pilipino ay apektado.

Isa pa, kailangan din nilang pagibayuhin ang pangongolekta ng buwis at taripa dahil ubos na ang pondo ng gobyerno kaugnay ng pandemya.

Kaya habang papalapit ang katapusan ng taon ay hindi tumitigil si BoC Chief Rey Guerrero.

Kailangan kasing siguruhin niyang hindi papalpak ang pagre-release ng bakuna, habulin at mga ismagler at tutukang maige ang revenue collection ng BoC.

Tama ba kami, Commissioner Guerrero?

***

Sa isang isang Oktubre l, ay magsisimula na ang walong araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy.

Sa katunayan, may mga kakandidato ng namimigay ng ayuda sa mga botante.

Wala nga namang magrereklamo dahil kailangan nga ng tao ang ayuda dahil pandemya.

Isa pa, hindi pa naman sila kandidato at hindi pa nagsisimula ang election period

May namimigay daw ng bigas, kape, itlog at iba pang pangangailangan sa araw-araw.

Kahit alam natin na pangangampanya na ito ay wala tayong magagawa dahil wala pa namang nalalabag na batas.

Para nga lang nagsusugal ang mga politikong ito.

Ngayon kasi, nag-iisip na ang mga botante.

Hindi na sila basta bumoboto sa isang kandidato.

Kinikilatis na nilang maige kung karapat dapat na iboto ang isang kandadito.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa (0969) 037 7083/email:tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE