Isko

Isko pasok sa top choice ng RPDM survey

November 26, 2021 Itchie G. Cabayan 117 views

NANATILING kasama sa mga top choices si Aksyon Demokratiko presidential candidate at Manila Mayor Isko Moreno, base sa pinakahuling survey na isinagawa ng RP-Mission and Development Foundation Inc. (RPMD).

Ang survey ng RPMD ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews nitong Nobyembre 16-24, 2021, sa 10,000 respondents mula sa 61,843,730 registered voters.

Ang mga respondent na ininterbyu ay tinanong na: Sino ang iboboto mo sa pagka-Presidente kung ngayon gaganapin ang eleksyon? Nasa 2.56% lamang ng mga botante ang hindi nakapagpasya.

Nanguna si Marcos Jr. sa bahagi ng Luzon na may 28.85%, na lamang ng 22.70% kay Moreno. Ang dating presidential son ay bahagyang lumamang kay Moreno sa Mindanao na may 19.27%, sa 17.56% na nakuha ng dating basurero at iskwater ng Tondo, Maynila.

Si Senator Manny Pacquiao naman ay nakakuha ng 20.52% sa Visayas habang 24.8% naman sa Mindanao kaya siya nalagay sa 3rd spot na may 15.94% kung saan naka-tie naman niya ang 4th placer na si Vice President Leni Robredo na may 15.10 percent.

Si Senator Christopher “Bong” Go ay nakakuha ng 14.25% na naglalagay sa kanya sa 5th, habang si Senator Panfilo “Ping” Lacson naman ay nasa 6th place na may 6.35% habang nasa 7th contender naman si Ernie Abella na may 0.10% sa latest statistical survey.

Ang listahan ng presidential at vice-presidential aspirants ay base sa final list ng mga kandidato matapos ang substitution noong Nobyembre 15, 2021 kung saan si Davao City Mayor Sara Duterte ay naghain ng kanyang certificate of candidacy (COC) sa pagka-vice president sa ilalim ng Lakas-CMD party matapos siyang umatras sa pagka-mayor.

Samantala, labis na nagpasalamat si Moreno sa latest presidential survey na RP-Mission and Development Foundation Inc.

“Salamat naman pero malayo pa. Tao muna ang pagtutuunan ko ng atensyon. Gusto ko munang makinig sa tao sa ibat-ibang bahagi ng Pilipinas. At the same time mairaos natin ‘yung tao, maitawid natin ‘yung tao. Kasi hirap ang mga tao ngayon,” ayon kay Moreno.

Si Moreno ay kumakandidato sa pinakamataas na posisyon sa bansa kasama si Dr. Willie Ong na kanyang vice presidential candidate. Tumatakbo sila sa Bilis Kilos 10-Point Program of Governance na naglalayong maprotektahan ang buhay, maitaguyod ang kabuhayan at lumikha ng maraming trabaho.

Sa loob lamang ng dalawang taon mula nang maging alkalde ng Manila si Moreno noong 2019, nilinis niya ang masalimuot na mga lugar ng Divisoria at Quiapo sa loob lamang ng ilang araw; nakapagpatayo siya ng 344-bed Manila Covid-19 Field Hospital sa Quirino Grandstand sa loob lang ng kumulang sa dalawang buwan.

Nakapagpatayo rin siya ng apat na mga proyektong pabahay para sa mga mahihirap na pamilya at mga informal settler; nakapagpatayo ng makabagong gusali ng pampublikong paaralan; nakapagpamahagi ng mga tablets at computers sa public school teachers at mga esutudyante, at patuloy pa rin ang pamamahagi niya ng ayuda sa mga mahihirap na pamilya sa gitna ng pandemya.

Ang nangungunang tambalan ay sina former Senator Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte o kilala na sa pinakasikat at pinakamalakas na BBM-Sara Uniteam — na ang isinusulong ay pagkakaisa, kapayapaan at pag-unlad.

Matatandaan na sa mga pinakahuling survey, namamayagpag at nangunguna ng malayo sa mga katunggali ang tambalang BBM-Sara Uniteam na nag-aalok at nagsusulong ng mapagkaisang pamumuno para sa 2022 national elections.

AUTHOR PROFILE