Isko Ina-assure ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno na sapat pa ang mga pasilidad para sa mga COVID-19 patients. Kuha ni JON-JON REYES

Isko: Pasilidad para sa COVID patients sapat pa

September 21, 2021 Francis Naguit 225 views

Mayor ibinahagi kung pano magtagumpay, maging ‘Isko’

TINIYAK ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Manila Mayor Isko Moreno na sapat pa ang mga pasilidad para sa mga residente o hindi residente ng lungsod na matatamaan ng COVID-19.

Batay sa pinakahuling datos ng Manila Health Department (MHD) nitong Lunes, nasa 73% ang occupancy rate ng anim na District Hospital ng lungsod kung saan 365 ang okupado sa kabuuang 501 na itinalagang COVID beds.

Sa ibinahaging datos ng Manila Public Information Office (MPIO), tanging ang Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang lumagpas sa kanilang kapasidad na umabot sa 119% kung saan nasa 75 lamang ang itinalagang COVID beds ngunit umabot sa 89 ang COVID patients.

Ang Ospital ng Sampaloc ay nasa 93% ang occupancy rate; Ospital ng Tondo ay nasa 89%; Justice Jose Abad Santos General Hospital ay nasa 81%; Sta. Ana Hospital 62%; at Ospital ng Maynila 50%.

Nasa 83% naman ang occupancy rate ng Manila COVID-19 Field Hospital sa Quirino Grandstand kung saan 287 COVID beds na ang okupado mula sa kabuuang 344 COVID beds na itinalaga dito.

Ang mga asymptomatic naman o ang mga pasyenteng positibo sa COVID-19 ngunit walang nararamdamang sintomas ay naka-isolate at ginagamot sa 12 quarantine facilities sa lungsod. Nasa 26% lamang ang occupancy rate sa kabuuang bilang ng COVID beds sa lahat ng quarantine facilities kung saan nasa 136 COVID beds ang okupado mula sa kabuuang bilang na 529.

Kaugnay nito, nakapagtala ang lokal na pamahalaang lungsod ng panibagong 232 aktibong kaso ng COVID-19 nitong Lunes, na umabot na sa kabuuang 1,122 habang nasa 272 naman ang naitala na “recoveries” o tuluyang gumaling sa nasabing sakit.

Batay pa sa datos, ang area ng Sampaloc ang nangunguna sa may pinakamadaming aktibong kaso ng nasabing sakit na nasa 308, pumangalawa ang Tondo 1 na nasa 145. At ikatlo ang Sta. Cruz area na nasa 120.

Isko: Ako kayo, hindi sumusuko

Samantala, sa isang video message, ibinahagi ni Moreno kung paano lahat ay kayang maging ‘Isko’, hindi sumusuko upang makamit ang mithiin sa buhay.

Ang kanyang mensahe.

“I started working at the age of 10 bilang basurero. Instead na kaawaan ko ang sarili ko eh pinagbuti ko ang sarili ko. Matter of mindset, hanggang sa maka-graduate ako.

Ang pagpapahalaga sa pag aaral, if we have that attitude in your mind you will know value. I felt so blessed sabi ko, why not go to public service? In fact, nakutya na naman ako, “Ah, wala yan artista lang yan, pa-cute lang yan.”

Akalain mo kasalanan ba ang maging cute?

Bumalik naman ako ng eskwelahan para maraming matutunan. Awa naman ng diyos ako’y nakapagtapos.

Keep on trying,wala naman mawawala sa atin. So kung nangyari sa akin ito,eh pwede rin mangyari sayo ito. Wala namang imposible.

Ako kayo, hindi sumuko.

Ako po si Isko, tayo si Isko.” Nina FRANCIS NAGUIT & JON-JON REYES

AUTHOR PROFILE